Ang Mga Biyaya ng Pag-aayuno
ni Mohammad B. Mendoza
Bilang Muslim, dapat nating bigyan ng pansin ang ilang mahahalagang bagay hinggil sa itinakdang pag-aayuno tuwing buwan ng Ramadan upang malaman ang kahalagahan nito at ang mga biyayang makakamtan sa matapat na pagtupad nito. Katunayan, ipinag-utos sa mga Muslim ang pag-aayuno tuwing sasapit ang buwan ng Ramadan. Tunghayan natin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur'an :
“O kayong mananampalataya! Ang Siyâm (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo magkaroon ng Taqwa. (Al-Baqarah 2:183)
Ang mga sumusunod ay dapat malaman upang maging kapaki-pakinabang ang ating pag-aayuno:
1. Ang Pagkakaroon ng Takot sa Allah (swt).
Ang takot na pinahahalagahan dito ay siyang magsisilbing pananggalang sa ating sarili laban sa Apoy ng Impiyerno at galit mula sa Allah (swt), kaya't nararapat lamang na tanungin natin ang ating mga sarili kung dapat bang talikuran ang pag-aayuno. Gayundin, tanungin natin ang ating mga sarili kung ang pag-aayuno bang ito ay naging daan upang maragdagan ang ating takot sa Allah (swt). Naging dahilan ba ito upang ating mapangalagaan ang ating mga sarili laban sa Apoy ng Impiyerno?
2. Ang Pagiging Malapit sa Allah (swt)
Upang tayo ay maging malapit sa makapangyarihang Allah (swt), kailangang dagdagan ang pagbabasa ng Banal na Qur'an sa araw at gabi, sumama sa pagdarasal ng Taraweh, laging isaalaala ang Allah (swt), magtipun-tipon upang talakayin ang kahalagahan ng kaalaman at mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya, at sikaping magsagawa ng Umrah kung may kakayahan at pagkakataon. Gayundin, ang pananatili sa loob ng Masjid (I'tikaaf) sa huling 10 araw sa buwan ng Ramadan upang sa kahit sa maikling panahong ito maibuhos ang sarili sa pagsamba sa Allah (swt) at pansamantalang ilayo ang sarili sa makamundong bagay .
Sinumang nananatili sa pagkakasala, mararamdaman niya ang kanyang paglayo sa Allah (swt) na siyang dahilan upang maging mahirap sa kanya ang magbasa ng Banal na Qur'an at ang pagpunta sa Masjid. Subali't ang isang masunuring mananampalataya ay patuloy na nagnanais na mapalapit sa Allah (swt) at siya ay gumagawa ng lahat ng uri ng pagsamba bilang kanyang tungkulin sa Allah (swt).
3. Ang Pagtitiis at Paghahanap ng Matatag na Hangarin.
Binanggit ng Allah (swt) ang katagang Saber (pagtitiis) sa loob ng Banal na Qur'an nang 70 ulit at Kanyang ipinag-utos ang pagtitiis sa 16 na paraan sa Kanyang Aklat. Kaya't sinuman ang nagayuno at umiwas sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa kanyang asawa sa oras ng pag-aayuno ay pinalalakas niya ang kanyang pagtitiis. Ang pamayanang ito ay nangangailangan ng kalalakihan at kababaihan na may matatag na hangarin na magampanan ang Sunnah at Aklat ng Allah (swt). Hindi natin kailangan ang isang taong emosyonal na nagpapahayag ng mga salawikain subali't pagkaraan ay nagiging mahina sa pagganap at pagpanatili ng sarili sa tungkuling ito tungo sa di niya pagtugon sa kanyang obligasyon na humahantong sa tuluyang pagtalikod .
4. Ang Kaganapan at Katuparan ng Ihsan .
Ang Ihsan ay nangangahulugan ng isang katayuan ng isang Muslim na bagama't hindi niya nakikita ang Allah (swt), batid niyang nakikita siya ng Allah (swt). Katunayan, Kanyang nalalaman ang lahat ng bagay. Kapag ang isang Muslim ay nag-aayuno, kailangan niyang makamtan ang ganitong katangian at iwasang gumawa ng mga bagay na magtutulak sa mga gawaing pakitang-tao lamang.
Ayon sa sinabi ng Allah (swt) sa isang Hadith Qudsi :
"Ang pag-aayuno ay para sa Akin at Ako ang magbibigay ng gantimpala rito."
(Al Bukhari)
Ang pag-aayuno ay binigyan ng Allah (swt) ng kaibahan sa lahat ng uri ng pagsamba sa pagsasabing: "Ang pag-aayuno ay para sa Akin lamang", sapagka't walang nakababatid kung ang tao ay tunay nag-aayuno maliban sa Allah (swt) lamang. Isang halimbawa, sinuman ang magdasal, magbigay ng kawanggawa o magsagawa ng Tawaf, siya ay maaaring makita ng tao, o kaya naman ang iba sa kanila ay gumagawa ng ganoong bagay upang mapansin ng ibang tao.Si Abu Sufyan Ath-Thawree ay gumugugol ng gabi at araw na umiiyak, ang mga tao ay nagtanong sa kanya: "Bakit ka umiiyak, tanda ba ito ng iyong takot sa Allah (swt)? Siya ay sumagot; Hindi! Sila ay patuloy na nagtanong; Ito ba ay dahil sa takot mo sa Apoy ng Impiyerno?; Siya ay sumagot; Hindi sa takot sa Apoy ng Impiyerno ang dahilan ng aking pag-iyak. Ako ay umiiyak sapagka't sa mga nagdaang taon ng aking pagsamba sa Allâh(swt) at pangangaral ng kabutihan, hindi pa rin ako nakatitiyak sa aking layunin kung ito ba ay dalisay sa harap ng Allah (SWT).
5. Ang Kadalisayan ng Pag-uugali.
Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:
"Sinumang hindi iniwan ang kanyang kasinungalingan sa pananalita at sa gawa, magkagayon, ang Allah (swt) ay hindi tatanggapin ang kanyang pag-iwas sa pagkain at pag-inom."
(Al Bukhari)
Ang maaari nating matutuhan dito ay ang kahalagahan ng pagpapakadalisay ng ating pag-uugali at asal. Makabubuting suriin ang sarili kung nakasusunod ba sa pag-uugali ni Propeta Muhammad (saw) . Isang halimbawa, tayo ba ay nagsasagawa ng pagbati ng kapayapaan sa ating kakilala at maging sa hindi natin kakilala? Sinusunod ba natin ang katuruan ng mabuting pag-uugali sa Islam at ang pagsasabi ng katotohanan at pawang mga katotohanan lamang? Ginagawa ba natin ito nang makatotohanan at may dalisay na layunin na tanging sa Allah (swt) lamang nauukol ang mga ganitong gawain? Kung sakaling may nakaligtaang tupdin sa mga nabanggit, bigyan ng pagkakataon ang sarili upang magbago habang may nalalabi pang pagkakataon sa buhay. Laging tandaan na ang Allah (swt) ay lubos na nalulugod sa Kanyang mga aliping nagsisikap magbago kaugnay ng kanilang kamalian at kaagad na humihingi ng tawad sa kanilang mga nagawang kasalanan.
6. Ang Pagbabago mula sa Pagkakasala.
Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:
"Ang bawa't anak ni Adan ay nagkakasala subali't yaong pinakamabuti sa mga nagkakasala ay yaong kaagad na nagsisisi."
(Ibn Ma'ajah)
Ang tao ay pinagkalooban ng Allah(swt) ng maraming pagkakataon upang magsisi at hilingin ang Kanyang Kapatawaran. Sinumang makatotohanan sa paghingi ng tawad, katiyakang makakamtan niya ang walang hanggang kapatawarang nagmumula lamang sa Allah (swt), Insha'Allah .
7. Ang Pagiging Mapagkawanggawa.
Iniulat ni Ibn Abbas:
"Si Propeta Muhammad ang pinakamapagkawanggawa sa lahat ng mga nilikha at higit niya itong ginagawa sa buwan ng Ramadan kapag sila ay nagkikita ni Jibreel tuwing gabi ng Ramadan hanggang matapos ang buwang ito".
(Al Bukhari)
Sinabi pa ni Propeta Muhammad (saw):
"Sinumang magbigay ng pagkain sa taong nag-aayuno upang tapusin ang kanyang pag-aayuno (sa takdang pagtatapos ng pag-aayuno), siya ay makatatanggap ng parehong biyaya katulad ng biyaya ng nag-ayuno, nang walang anumang bawas sa biyayang igagawad sa taong nag-aayuno."
(At Tirmidhi)
8. Ang Pagkakaisa ng mga Muslim.
Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:
"Kayong susunod na henerasyon pagkaraan ng aking panahon ay makakikita ng maraming pagbabago. Kaya't marapat lamang na panghawakang mabuti ang aking Sunnah at ang pamamaraan ng mga susunod na Khalifa. Panatilihin ang pag-aayuno at panghawakan ito."
(Abu Dawood)
Sa buwang ito, ating nararamdaman ang pagkakaisa ng lahat ng Muslim sa lahat ng panig ng daigdig. Sapagka't tayo ay kapuwa nag-aayuno at kapuwa humihinto sa pag-aayuno sa pagdating ng takdang panahon ng pagtigil nito. Sumasamba tayong lahat sa Allah(swt); ang Nag-iisang Diyos, at tayo ay sama-samang nagdarasal ng Salatul; Eid. Kaya naman naipadadama natin ang pagkakaisa nating mga Muslim sa buwang ito. Hindi malayong tayong mga Muslim ay magkaisa na parang iisang katawan kung tayo ay patuloy na susunod sa Allah (swt) at sa Kanyang Huling Sugo na si Propeta Muhammad (saw).
9. Ang Pagkakaroon ng Disiplina.
Ipinag-utos sa atin ni Propeta Muhammad na panatilihin ang pagdisiplina sa ating sarili at maging istrikto. Ang pagiging istrikto na hindi magtutulak upang tayo'y maging panatiko o anumang gawaing maglalabas sa atin sa batas ng Allah (swt) na ipinahayag nang malinaw para sa atin. Ang mga Muslim ay kailangang maging disiplinado sa kanyang pamumuhay sapagka't sila ang mga taong pinadalhan ng mahalagang mensahe upang gawing batayan ng kanilang araw-araw na pamumuhay.
10. Ang Pagtuturo sa mga Kabataan upang sumamba sa Allah (swt).
Ito ay kinaugalian na ng mga taga-Madina na tuwing sila ay mag-aayuno sa Aashura (kusang pag-aayuno tuwing ika-10 araw ng buwan ng Muharram) ay kanilang tinuturuan ang kanilang mga anak at sila ay nag-aayuno nang magkakasama.
Kapag ang kanilang anak ay umiiyak sanhi ng gutom at uhaw, kanilang nililibang sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng laruan upang mailayo ang kanilang pansin sa pagkain. Hanggang ang kanilang mga anak ay magpatuloy sa pag-aayuno at sabay-sabay nilang tatapusin ang pag-aayuno.
Gayundin naman, ang mga bata ay nararapat isama sa Masjid upang magdasal kasama ng kanilang magulang upang maitala sa kanilang mga puso ang kahalagahan ng pagsamba sa Allah (swt) sa kanilang murang edad pa lamang. Kapag hindi sinanay ang mga bata sa pag-aayuno habang sila ay bata pa, maaaring maging mahirap para sa kanila ang pagsasagawa nito pagdating ng kanilang tamang gulang. Ito ang dahilan kung bakit si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi :
"Utusan ninyo ang inyong mga anak na magdasal sa edad niyang 7 taong gulang at paluin sila pagsapit sa edad na 10 kung hindi sila magdasal."
(Haakim)
11. Ang Pangangalaga sa Kalusugan.
Ang pag-aayuno ay may maraming kabutihang naidudulot sa ating katawan. Ito ay nagtuturo sa ating mga Muslim na pangalagaan ang ating kalusugan upang manatiling malakas ang ating pangangatawan.
Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:
"Ang malakas na mananampalataya ay higit na mahusay at higit na minamahal ng Allah (swt) kumpara sa mahinang mananampalataya, at ito ay mabuti sa bawa't isa." (Muslim)
Sa karagdagang Hadith na iniulat ni Abu Huraira, kanyang sinabi na si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:
"Walang alinlangan, tatlong panalangin ang katugon-tugon. Ang panalangin ng isang nag-aayuno hanggang kanyang itigil ang kanyang pag-aayuno, ang panalangin ng makatarungang pinuno at ang panalangin ng naaapi."
(Al Tirmidhi)
Narito ang tatlong paliwanag sa naturang Hadith :
A .Ang mga naturang Hadith ay nagpapatunay sa kahalagahan ng panalangin
B. Ang pagtanggap sa panalangin ng mga nag-aayuno, ng mga makatarungang
pinuno at ng mga naaapi ay nakatitiyak .
C Ang Hadith na ito ay nagpapatunay sa kahalagahan ng pag-aayuno at isang matibay na batayan upang ang mga panalangin ay magiging katanggap-tanggap. Maraming mabubuting bagay na maaaring matutuhan ng isang mananampalataya sa buwan ng Ramadan. Nawa'y pagsikapang matutuhan ang mga bagay na ito para sa ikalulugod ng Allah(swt).
May maraming bagay na maaaring napabayaan sa mga nagdaang araw tungo sa ikabubuti ng kaluluwa. Ito ang tamang panahon upang itama ang pagkukulang. Dumalangin tayo sa Allah(swt) at manikluhod sa Kanyang Kapatawaran, Habag at Pagpapala upang tayo'y ibilang sa mga taong maninirahan sa Paraisong Kanyang inihanda sa Kanyang mga aliping patuloy na sumusunod, sumusuko at tumatalima sa Kanyang mga Kautusan.
Ang lahat ng papuri ay sa Allah (swt) lamang, ang Rabb (Panginoon) ng buong sanlibutan. Nawa'y igawad Niya ang Kanyang kapayapaan at pagpapala kay Propeta Muhammad , sa kanyang pamilya at mga kasamahan at sa lahat ng tumatahak sa Tuwid na Landas hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Ameen .