Saturday, October 1, 2011

Alituntunin Ng Hindi Pagsasagawa Ng Salah


MGA ALINTUNTUNIN NG HINDI PAGSAGAWA NG SALAH

Ang pagpupuri ay para sa Allah lamang, nawa’y ang kapayapaan at pagpapala ay sumasa huling Propeta Muhammad (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam), at sa kanyang pamilya at mga kasamahan.

Ang hindi pagsagawa ng Salah ay kafir (suway) – tayo ay nagpapasakop sa Allah laban sa kasamaan nito – Ang mga sumusunod ay katibayan na nagpapatunay dito:  Qur’an, Hadith, sinabi ng mga Sahabah (kasamahan ng Propeta (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam) at tamang kuru-kuru.

Qur’an – Sinabi ng Allah (SWT) Kapag sila ay nagbalik loob sa Allah at nagsagawa ng Salah at nagbigay ng Zakah (kawanggawa), sila ay mga kapatid ninyo sa relihiyong Islam. Ang ibig sabihin nito, kapag hindi nila isinasagawa ang mga nabanggit na ito ay hindi natin maituturing na kapatid (sa pananampalataya).

Ang kapatiran sa Islam ay hindi nawawala maliban na lamang sa mga kasalanan na nagtutulak sa mga tao patungo sa labas ng Islam.

* Hadith – Sinabi ng Propeta (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam):
Ang pagitan ng Muslim at ng Kafir (sumusuway) at Shirk (pagtatambal sa Allah) ay ang hindi pagsagawa ng Salah). [Isinalaysay ni Muslim].
Sinabi rin niya sa Hadith na naitala ni Buraydah:
Ang pagkaiba lang natin sa kanila (hindi mga Muslim) ay ang Salah, ang sinumang hindi magsagawa nito (salah) ay kafir (sumusuway).

* Kasabihan ng mga Sahaba – Sinabi ni Omar bin Khatta’b-Ameer Moomineen [kalugdan nawa siya ng Allah] –
Walang bahagi sa Islam ang sinumang hindi magsagawa ng Salah. Sinabi rin ni Abdullah bin Shaqiq:  Walang itinuring ng mga sahabah na gawa ng kafir maliban lamang sa hindi pagsagawa ng Salah.

* Tamang kuru-kuro – Sa inyong palagay, ang tao kaya na nakababatid ng mga ipinag-utos ng Allah ay hindi ito isasagawa kahit pa nga sabihing konti lamang ang kanyang paniniwala? Sa aking palagay ay hindi maaari!!

Tungkol naman sa mga nagsasabing ito ay hindi nagiging sanhi upang ang isang tao ay lumabas ng Islam at ito ay alin man sa apat na mga bagay o kadahilanang:

1) Sa katunayan wala sila talagang katibayan.
2)   Kung mayroon man ito ay para lamang sa katangian ng pinagbawalang pansamantala na magsagawa ng Salah.
3)   O dili kaya ito ay dahil lamang sa pagkakataon na pinayagang hindi muna magsagawa ng Salah.
4)   O dili kaya ito ay para sa lahat, ngunit nandirito na ang mga Hadith na tumutukoy ng paglabas ng isang tao sa Islam kapag hindi na niya isinasagawa ang Salah.

Kapag napatunayan na ang hindi magsagawa ng Salah ay Kafir, samakatuwid siya ay napapailalim sa alintuntunin ng mga Murtad (lumabas sa Islam) – wala man lang katibayan ang nagsasabi na ang hindi nagsagawa ng Salah ay Mo’min (may pananampalataya), o makakapasok ng paraiso, o di kaya ay ligtas sa impiyernong apoy, at iba pa.  Ito ang pinagbabasehan natin na ang alituntunin ng kufir na ang sinumang hindi magsagawa ng Salah matatawag na Kufrun-Niemah (kufr sa biyaya), kasama ang mga sumusunod:

I: Hindi siya maaaring ipaasawa sa babaing Muslim, at kung sakali na naikasal siya sa babaing Muslim sila ay dapat paghiwalayin. Sinabi ng Allah (ang papuri ay sa Allah lamang, ang Kataas-taasan) ang tungkol sa mga muha’jira’t (sumama sa Propeta (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam) na lumisan patungo sa Madinah): 
Kung nabatid ninyo na sila ay tunay an mananampalataya, huwag ninyo silang ibalik sa mga walang pananampalataya, sila (mo’mina’t) ay hindi legal o katanggap-tanggap para sa mga kafir ganun din ang mga kafir ay hindi legal o katanggap-tanggap para sa kanila. Al-Mumtahinah:10

II  Kapag nangyari, na sa pagkatapos ng kanilang kasal ay hindi na siya nagsasagawa ng Salah, ang kanilang kasal ay walang-bisa, na kung kaya sila ay dapat na paghiwalayin katulad din ng nabanggit sa unang talata.  Nagalaw man niya o hindi ang kangyang napangasawa.

III:  Ang mga pagkaing (hayop) na kanyang kinatay ay hindi maaaring kainin dahil ito ay haram (bawal) para sa mga may paniniwala; hindi katulad ng mga pagkaing kinatay ng mga hudyo at kristiyano na pinahihintulutang kainin. Ipinapakita dito na ang mga hindi nagsasagawa ng Salah ay mas ligaw pa kaysa sa Hudyo at Kristiyano – nau’zu Billah (kami ay nagpapasakop sa Allah laban sa kasamaan nito).

IV:  Hindi siya maaaring makapasok ng Makkah hanggang sa mga hangganan nito.  Sinabi ng Allah (ang papuri ay sa Allah lamang, ang Kataas-taasan): {
O mga mananampalataya, katunayan ang mga Mushrik (nagtatambal sa Allah) ay marurumi, hindi na sila maaring lumapit o magtungo sa Masjidil Haram pagkatapos ng taon na ito}.

V:  Wala siyang karapatang magmana sa kanyang mga kamag-anak, at mas may karapatan pa ang mga malayong kamag-anak kaysa sa kanya: Sinabi ni Propeta (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam) sa Hadith ni Usamah:  (
Hindi maaaring magmana at magpamana ang Muslim sa kafir ganun din ang kafir sa Muslim) {Bukhari at Muslim}. At sinabi pa ng Propeta (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam): Ibigay ninyo ang mga pamana sa sinumang may karapatan dito, at ang matitira ay para sa malalapit na lalaking kamag-anakan ninyo. [Bukhair at Muslim].

VI:  Kapag siya ay namatay, hindi siya paliliguan, hindi babalutin ng kafan (telang puti) hindi darasalan o ipapanalangin, at hindi rin maaaring ilibing sa libingan ng mga Muslim. Dadalhin natin  siya sa disyerto at doon natin siya ilibing kasama na ang kanyang damit. Dahil dito, hindi makatuwiran sa bawat isa sa atin na kapag may namatay tayong kamag-anak na alam natin na ito ay hindi nagsasagawa ng Salah, tayo ay mag-anyaya sa mga Muslim para siyang ipanalangin.

VII:  Ang kanyang makakasama sa kabilang buhay (sa impiyernong apoy) ay sina Firaun, Ha’man, Qa’ron at Ibnu Khalaf, na mga pinuno ng mga kafir – wal-iya’zu Billah – Siya ay hindi na makakapasok ng paraiso, at hindi maaaring ihingi ng kapatawaran at biyaya ng Allah, dahil siya ay kafir at walang karapatan sa mga ito.

Sinabi ni Propeta Muhammad (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam):
Hindi maaaring ipanalangin o ihingi ng kapatawaran ng Propeta at ng mga mananampalataya ang mga Mushrik (nagtambal) kahit pa ito ay malapit na kamg-anak nila, pagkatapos nilang malaman na ang mga ito ay kabilang sa tao para sa naglalablab na apoy.

Mga kapatid, ang bagay na ito ay napakaselan at napakadelikado. Subalit nakalulungkot isipin na sa kabila ng mga kaalamang ito, maaari sa mga tao ang bumabale wala dito, pinatitira pa rin nila sa kanilang pamamahay ang mga tao na hindi nagsasagawa ng Salah samantalang alam nila na ito ay hindi puwede.

Ang Allah lamang ang nakakaalam.  Nawa’y ang pagpapala ng Allah ay sumakay Propeta Muhammad (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam) at sa kanyang pamilya at mga kasamahan.


[Mula sa orihinal na Artikulo ng Islamhouse]


Tuesday, August 2, 2011

Ang Mga Biyaya ng Pag-aayuno

Ang Mga Biyaya ng Pag-aayuno
ni Mohammad B. Mendoza

Bilang Muslim, dapat nating bigyan ng pansin ang ilang mahahalagang bagay hinggil sa itinakdang pag-aayuno tuwing buwan ng Ramadan upang malaman ang kahalagahan nito at ang mga biyayang makakamtan sa matapat na pagtupad nito. Katunayan, ipinag-utos sa mga Muslim ang pag-aayuno tuwing sasapit ang buwan ng Ramadan. Tunghayan natin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur'an :

“O kayong mananampalataya! Ang Siyâm (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo magkaroon ng Taqwa. (Al-Baqarah 2:183)

Ang mga sumusunod ay dapat malaman upang maging kapaki-pakinabang ang ating pag-aayuno:

1. Ang Pagkakaroon ng Takot sa Allah (swt).

Ang takot na pinahahalagahan dito ay siyang magsisilbing pananggalang sa ating sarili laban sa Apoy ng Impiyerno at galit mula sa Allah (swt), kaya't nararapat lamang na tanungin natin ang ating mga sarili kung dapat bang talikuran ang pag-aayuno. Gayundin, tanungin natin ang ating mga sarili kung ang pag-aayuno bang ito ay naging daan upang maragdagan ang ating takot sa Allah (swt). Naging dahilan ba ito upang ating mapangalagaan ang ating mga sarili laban sa Apoy ng Impiyerno?

2. Ang Pagiging Malapit sa Allah (swt)

Upang tayo ay maging malapit sa makapangyarihang Allah (swt), kailangang dagdagan ang pagbabasa ng Banal na Qur'an sa araw at gabi, sumama sa pagdarasal ng Taraweh, laging isaalaala ang Allah (swt), magtipun-tipon upang talakayin ang kahalagahan ng kaalaman at mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya, at sikaping magsagawa ng Umrah kung may kakayahan at pagkakataon. Gayundin, ang pananatili sa loob ng Masjid (I'tikaaf) sa huling 10 araw sa buwan ng Ramadan upang sa kahit sa maikling panahong ito maibuhos ang sarili sa pagsamba sa Allah (swt) at pansamantalang ilayo ang sarili sa makamundong bagay .

Sinumang nananatili sa pagkakasala, mararamdaman niya ang kanyang paglayo sa Allah (swt) na siyang dahilan upang maging mahirap sa kanya ang magbasa ng Banal na Qur'an at ang pagpunta sa Masjid. Subali't ang isang masunuring mananampalataya ay patuloy na nagnanais na mapalapit sa Allah (swt) at siya ay gumagawa ng lahat ng uri ng pagsamba bilang kanyang tungkulin sa Allah (swt).

3. Ang Pagtitiis at Paghahanap ng Matatag na Hangarin.

Binanggit ng Allah (swt) ang katagang Saber (pagtitiis) sa loob ng Banal na Qur'an nang 70 ulit at Kanyang ipinag-utos ang pagtitiis sa 16 na paraan sa Kanyang Aklat. Kaya't sinuman ang nagayuno at umiwas sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa kanyang asawa sa oras ng pag-aayuno ay pinalalakas niya ang kanyang pagtitiis. Ang pamayanang ito ay nangangailangan ng kalalakihan at kababaihan na may matatag na hangarin na magampanan ang Sunnah at Aklat ng Allah (swt). Hindi natin kailangan ang isang taong emosyonal na nagpapahayag ng mga salawikain subali't pagkaraan ay nagiging mahina sa pagganap at pagpanatili ng sarili sa tungkuling ito tungo sa di niya pagtugon sa kanyang obligasyon na humahantong sa tuluyang pagtalikod .

4. Ang Kaganapan at Katuparan ng Ihsan .

Ang Ihsan ay nangangahulugan ng isang katayuan ng isang Muslim na bagama't hindi niya nakikita ang Allah (swt), batid niyang nakikita siya ng Allah (swt). Katunayan, Kanyang nalalaman ang lahat ng bagay. Kapag ang isang Muslim ay nag-aayuno, kailangan niyang makamtan ang ganitong katangian at iwasang gumawa ng mga bagay na magtutulak sa mga gawaing pakitang-tao lamang.

Ayon sa sinabi ng Allah (swt) sa isang Hadith Qudsi :
"Ang pag-aayuno ay para sa Akin at Ako ang magbibigay ng gantimpala rito."
(Al Bukhari)

Ang pag-aayuno ay binigyan ng Allah (swt) ng kaibahan sa lahat ng uri ng pagsamba sa pagsasabing: "Ang pag-aayuno ay para sa Akin lamang", sapagka't walang nakababatid kung ang tao ay tunay nag-aayuno maliban sa Allah (swt) lamang. Isang halimbawa, sinuman ang magdasal, magbigay ng kawanggawa o magsagawa ng Tawaf, siya ay maaaring makita ng tao, o kaya naman ang iba sa kanila ay gumagawa ng ganoong bagay upang mapansin ng ibang tao.Si Abu Sufyan Ath-Thawree ay gumugugol ng gabi at araw na umiiyak, ang mga tao ay nagtanong sa kanya: "Bakit ka umiiyak, tanda ba ito ng iyong takot sa Allah (swt)? Siya ay sumagot; Hindi! Sila ay patuloy na nagtanong; Ito ba ay dahil sa takot mo sa Apoy ng Impiyerno?; Siya ay sumagot; Hindi sa takot sa Apoy ng Impiyerno ang dahilan ng aking pag-iyak. Ako ay umiiyak sapagka't sa mga nagdaang taon ng aking pagsamba sa Allâh(swt) at pangangaral ng kabutihan, hindi pa rin ako nakatitiyak sa aking layunin kung ito ba ay dalisay sa harap ng Allah (SWT).

5. Ang Kadalisayan ng Pag-uugali.

Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:

"Sinumang hindi iniwan ang kanyang kasinungalingan sa pananalita at sa gawa, magkagayon, ang Allah (swt) ay hindi tatanggapin ang kanyang pag-iwas sa pagkain at pag-inom."
(Al Bukhari)

Ang maaari nating matutuhan dito ay ang kahalagahan ng pagpapakadalisay ng ating pag-uugali at asal. Makabubuting suriin ang sarili kung nakasusunod ba sa pag-uugali ni Propeta Muhammad (saw) . Isang halimbawa, tayo ba ay nagsasagawa ng pagbati ng kapayapaan sa ating kakilala at maging sa hindi natin kakilala? Sinusunod ba natin ang katuruan ng mabuting pag-uugali sa Islam at ang pagsasabi ng katotohanan at pawang mga katotohanan lamang? Ginagawa ba natin ito nang makatotohanan at may dalisay na layunin na tanging sa Allah (swt) lamang nauukol ang mga ganitong gawain? Kung sakaling may nakaligtaang tupdin sa mga nabanggit, bigyan ng pagkakataon ang sarili upang magbago habang may nalalabi pang pagkakataon sa buhay. Laging tandaan na ang Allah (swt) ay lubos na nalulugod sa Kanyang mga aliping nagsisikap magbago kaugnay ng kanilang kamalian at kaagad na humihingi ng tawad sa kanilang mga nagawang kasalanan.

6. Ang Pagbabago mula sa Pagkakasala.

Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:

"Ang bawa't anak ni Adan ay nagkakasala subali't yaong pinakamabuti sa mga nagkakasala ay yaong kaagad na nagsisisi."
(Ibn Ma'ajah)

Ang tao ay pinagkalooban ng Allah(swt) ng maraming pagkakataon upang magsisi at hilingin ang Kanyang Kapatawaran. Sinumang makatotohanan sa paghingi ng tawad, katiyakang makakamtan niya ang walang hanggang kapatawarang nagmumula lamang sa Allah (swt), Insha'Allah .

7. Ang Pagiging Mapagkawanggawa.

Iniulat ni Ibn Abbas:

"Si Propeta Muhammad ang pinakamapagkawanggawa sa lahat ng mga nilikha at higit niya itong ginagawa sa buwan ng Ramadan kapag sila ay nagkikita ni Jibreel tuwing gabi ng Ramadan hanggang matapos ang buwang ito".
(Al Bukhari)

Sinabi pa ni Propeta Muhammad (saw):

"Sinumang magbigay ng pagkain sa taong nag-aayuno upang tapusin ang kanyang pag-aayuno (sa takdang pagtatapos ng pag-aayuno), siya ay makatatanggap ng parehong biyaya katulad ng biyaya ng nag-ayuno, nang walang anumang bawas sa biyayang igagawad sa taong nag-aayuno."
(At Tirmidhi)

8. Ang Pagkakaisa ng mga Muslim.

Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:

"Kayong susunod na henerasyon pagkaraan ng aking panahon ay makakikita ng maraming pagbabago. Kaya't marapat lamang na panghawakang mabuti ang aking Sunnah at ang pamamaraan ng mga susunod na Khalifa. Panatilihin ang pag-aayuno at panghawakan ito."
(Abu Dawood)

Sa buwang ito, ating nararamdaman ang pagkakaisa ng lahat ng Muslim sa lahat ng panig ng daigdig. Sapagka't tayo ay kapuwa nag-aayuno at kapuwa humihinto sa pag-aayuno sa pagdating ng takdang panahon ng pagtigil nito. Sumasamba tayong lahat sa Allah(swt); ang Nag-iisang Diyos, at tayo ay sama-samang nagdarasal ng Salatul; Eid. Kaya naman naipadadama natin ang pagkakaisa nating mga Muslim sa buwang ito. Hindi malayong tayong mga Muslim ay magkaisa na parang iisang katawan kung tayo ay patuloy na susunod sa Allah (swt) at sa Kanyang Huling Sugo na si Propeta Muhammad (saw).

9. Ang Pagkakaroon ng Disiplina.

Ipinag-utos sa atin ni Propeta Muhammad na panatilihin ang pagdisiplina sa ating sarili at maging istrikto. Ang pagiging istrikto na hindi magtutulak upang tayo'y maging panatiko o anumang gawaing maglalabas sa atin sa batas ng Allah (swt) na ipinahayag nang malinaw para sa atin. Ang mga Muslim ay kailangang maging disiplinado sa kanyang pamumuhay sapagka't sila ang mga taong pinadalhan ng mahalagang mensahe upang gawing batayan ng kanilang araw-araw na pamumuhay.

10. Ang Pagtuturo sa mga Kabataan upang sumamba sa Allah (swt).

Ito ay kinaugalian na ng mga taga-Madina na tuwing sila ay mag-aayuno sa Aashura (kusang pag-aayuno tuwing ika-10 araw ng buwan ng Muharram) ay kanilang tinuturuan ang kanilang mga anak at sila ay nag-aayuno nang magkakasama.

Kapag ang kanilang anak ay umiiyak sanhi ng gutom at uhaw, kanilang nililibang sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng laruan upang mailayo ang kanilang pansin sa pagkain. Hanggang ang kanilang mga anak ay magpatuloy sa pag-aayuno at sabay-sabay nilang tatapusin ang pag-aayuno.

Gayundin naman, ang mga bata ay nararapat isama sa Masjid upang magdasal kasama ng kanilang magulang upang maitala sa kanilang mga puso ang kahalagahan ng pagsamba sa Allah (swt) sa kanilang murang edad pa lamang. Kapag hindi sinanay ang mga bata sa pag-aayuno habang sila ay bata pa, maaaring maging mahirap para sa kanila ang pagsasagawa nito pagdating ng kanilang tamang gulang. Ito ang dahilan kung bakit si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi :

"Utusan ninyo ang inyong mga anak na magdasal sa edad niyang 7 taong gulang at paluin sila pagsapit sa edad na 10 kung hindi sila magdasal."
(Haakim)

11. Ang Pangangalaga sa Kalusugan.

Ang pag-aayuno ay may maraming kabutihang naidudulot sa ating katawan. Ito ay nagtuturo sa ating mga Muslim na pangalagaan ang ating kalusugan upang manatiling malakas ang ating pangangatawan.

Si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:

"Ang malakas na mananampalataya ay higit na mahusay at higit na minamahal ng Allah (swt) kumpara sa mahinang mananampalataya, at ito ay mabuti sa bawa't isa." (Muslim)

Sa karagdagang Hadith na iniulat ni Abu Huraira, kanyang sinabi na si Propeta Muhammad (saw) ay nagsabi:

"Walang alinlangan, tatlong panalangin ang katugon-tugon. Ang panalangin ng isang nag-aayuno hanggang kanyang itigil ang kanyang pag-aayuno, ang panalangin ng makatarungang pinuno at ang panalangin ng naaapi."
(Al Tirmidhi)

Narito ang tatlong paliwanag sa naturang Hadith :
A .Ang mga naturang Hadith ay nagpapatunay sa kahalagahan ng panalangin
B. Ang pagtanggap sa panalangin ng mga nag-aayuno, ng mga makatarungang
pinuno at ng mga naaapi ay nakatitiyak .
C Ang Hadith na ito ay nagpapatunay sa kahalagahan ng pag-aayuno at isang matibay na batayan upang ang mga panalangin ay magiging katanggap-tanggap. Maraming mabubuting bagay na maaaring matutuhan ng isang mananampalataya sa buwan ng Ramadan. Nawa'y pagsikapang matutuhan ang mga bagay na ito para sa ikalulugod ng Allah(swt).

May maraming bagay na maaaring napabayaan sa mga nagdaang araw tungo sa ikabubuti ng kaluluwa. Ito ang tamang panahon upang itama ang pagkukulang. Dumalangin tayo sa Allah(swt) at manikluhod sa Kanyang Kapatawaran, Habag at Pagpapala upang tayo'y ibilang sa mga taong maninirahan sa Paraisong Kanyang inihanda sa Kanyang mga aliping patuloy na sumusunod, sumusuko at tumatalima sa Kanyang mga Kautusan.

Ang lahat ng papuri ay sa Allah (swt) lamang, ang Rabb (Panginoon) ng buong sanlibutan. Nawa'y igawad Niya ang Kanyang kapayapaan at pagpapala kay Propeta Muhammad , sa kanyang pamilya at mga kasamahan at sa lahat ng tumatahak sa Tuwid na Landas hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Ameen .