Ang Kahulugan at Diwa ng Islam
Ang kahulugan ng Islam ay pagsuko at pagsunod sa mga kautusan ng Allah nang walang pagtutol. Ito ang tunay na diwa ng Islam. Sa pagsunod sa Allah - (Ang Lumikha) at pagtalima sa Kanyang mga kautusan, ang Muslim ay nakikiisa sa sandaigdigan na kung saan siya nananahanan, sapagka’t ang lahat ng bagay sa daigdig ay sumusunod sa kautusan ng Allah.
Isang matibay na katotohanang ang lahat ng bagay sa daigdig ay sumusunod sa isang panuntunan at di-nababagong batas na kung saan sila sumusunod; ang araw, ang buwan, ang mga bituin, ang gabi, ang maghapon, ang lupa, ang mga puno, at ang mga hayop; ang lahat ay sumusuko sa isang panuntunang itinalaga ng Allah sa lahat ng bagay. Maging ang mismong tao, kapag isinaalang-alang ang kanyang pisikal na pangangatawan, ang kanyang panganga-ilangan ng tubig at pagkain, init, hangin, sinag ng araw, pahinga o tulog, makikitang siya ay sumusuko sa isang batas na kung saan siya ay walang pagpipilian katulad ng ibang nilalang.
Ang malawak na batas na ito na kung saan sumusuko ang lahat ng bagay ay itinakda ng Allah - ang Kataas-taasang Hari, na kung Kanino nabibilang ang paglikha at paghahari. Ang lahat sa sanlibutan maging ang nasa langit at lupa ay sumusuko nang kusa sa Lumikha, ang tanging Haring kayang gawin ang bawa’t naisin.
Sa dahilang ang kahulugan ng Islam ay pagsuko at pagsunod nang walang pagtutol, ang Islam sa ganitong pananaw ay siyang pananampalataya ng sandaigdigan. Ang tao, sa kahulugan nito, ay hindi naiiba sa ibang mga nilikha. Ang Allah, na siyang lumikha at tagapanustos, ay nagbigay sa tao ng kalayaang pumili. Ipinakita sa tao ang landas ng patnubay at landas ng pagkaligaw sa pamamagitan ng mga Sugo na Kanyang ipinadala sa sangkatauhan sa mga nakaraang panahon; at ang huli sa kanila ay si Propeta Muhammad(SAW). Magkagayon, sinumang kusang-loob na tumahak o pumili sa landas ng patnubay at tupdin ang mga tungkuling itinakda sa kanya, at umiwas sa mga ipinagbabawal, siya ay magiging tunay na Muslim. At sinumang pumili sa pagtahak sa ligaw na landas, nagpapabaya sa mga gawaing pagsamba, at gumagawa ng mga ipinag- babawal, magkagayon siya ay isang di-nananam-palataya. Bawa’t isa sa kanila ay tatanggap ng paglilitis sa Takdang Araw na makakaharap niya ang kanyang Rabb, kapag ang talaan ng kanyang mga gawa ay ilalantad.
Ang Allah ay nagsabi:
“Kaya’t sinumang gumawa ng mabuti na katimbang ng langgam ay makikita ito, at sinumang gumawa ng masama na katimbang ng langgam ay makikita ito.” [Qur’an 99:7-8]
Sa mga biyayang ipinagkaloob ng Allah sa tao, ang kalayaang pumili ay isa sa mga pinakadakila. Pagka-tapos ipamahala sa kanya ang kalupaan, ang dagat, ang gabi at araw, ipinag-utos ng Allah sa tao na sambahin lamang Siya. At ipinagbawal sa kanya ang pagbibigay katambal sa Kanya. Bilang kabayaran, ipinangako naman sa kanya ang masaganang gantimpala sa kanyang pagsunod. Ang ilan sa mga pangakong gantimpala ay ang mga sumusunod:
1) Pagpapahintulot sa tao na makinabang sa mga Tanda (nilikha) ng Allah na nangagkalat sa buong sandaigdigan. At ito ay nagpapatunay sa katotohanang ang Allah ay siyang tanging tunay na Diyos na nararapat sambahin.
2) Ang kakayahang mamuhay nang malaya sa mundong ito, at gawing malinis ang kanyang pamumuhay. Ang Propeta (SAW) ay nagsabi:
“Kay inam ng pamumuhay ng isang nananampalataya. Ang lahat ng kanyang pamumuhay ay nagdudulot ng kabutihan. Kung nasa mabuting kalagayan, siya ay nagpapakita ng pasasalamat sa Allah at ang ganitong reaksiyon ay mabuti para sa kanya. At kung nakararanas ng pagsubok, ito’y kanyang pinagtitiisan, at ito naman ay mabuti para sa kanya. Angkop lamang ito sa isang nananampalataya.”
Nababatid ng nananampalataya na ang kanyang tungkulin dito sa mundo ay sumamba lamang sa Allah. Nilikha ng Allah ang tao at Jinn upang sumamba lamang sa Kanya. Walang pangangailangan ang Allah mula sa kanila, ni hindi Siya humihingi ng anuman mula sa kanila, bagkus Siya ang Tagapanustos, ang Makapangyarihan.
Nalalaman din ng isang nananampalataya na maka-kaharap niya ang Allah sa Araw ng Paglilitis. Batid din niya na siya’y lumitaw sa mundo sa pamamagitan ng Salita ng Allah na lumikha sa kanya, pinagyaman at iginawad sa kanya ang Kanyang mga Biyaya; nakikita man o hindi; at inilagay sa kanyang pamamahala ang lahat ng iba pang nilikha para sa kanya. Ang Allah ay nagsabi:
“Hindi kung ano ang nasa daigdig; at iginawad Niya sa inyo nang masagana ang Kanyang biyaya maging ito ay nakikita (nakalantad) o nakatago”. [Qur’an 31:20]
At sinabi ng Allah:
“Ang Allah ay Siyang lumikha ng baka para sa inyo upang inyong masakyan ang iba at kainin ang karne ng iba sa kanila.” [Qur’an 40:79]
“Ang Allah ay Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, na Siyang nagpatulo ng tubig mula sa kalawakan, at nagbigay ng mga prutas bilang panustos sa inyo; at Kanyang ginawang kapaki-pakinabang sa inyo ang mga barko upang madaling maglayag sa pamamagitan ng Kanyang pahintulot, at Kanyang ginawa ang mga sapa para sa inyong kapakinabangan.” [Qur’an 14:32]
At ang Allah ay nagsabi:
“Hindi ba ninyo nakikitang ipinamahala sa inyo ang lahat ng bagay sa daigdig?” [Qur’an 22:65]
3) Batid ng Muslim na ang kanyang buhay sa mundong ito ay hindi habang panahon bagkus ito’y pansamantala lamang tungo sa walang-hanggang buhay, at isang himpilan na kung saan nakahanda ang mga panustos na kailangan niya sa isang paligsahang kanyang gagampanan upang makamit ang kasiyahan ng Allah.
Kaya naman, ikinasisiya ng Muslim ang anumang uri ng panustos na nakalaan sa kanya sa mundong ito dahil batid niyang ang panustos na ito ay panandaliang bagay lamang.
4)Matatamo ng nananampalataya ang kasiyahan ng Allah sa Araw ng Paghuhukom, ang tanging paraan upang makapasok sa Jannah (Paraiso) at matakasan ang Apoy.
Ang Allah ay nagsabi:
“Sinumang inilayo sa Apoy, at ipinasok sa Jannah (Paraiso) ay tunay na nakamit ang tagumpay, at ang buhay sa mundong ito ay isang mapanlinlang-aliw lamang”. [Qur’an 3:158]
Matapos ang maikling paunang salitang ito, maaaring nais ninyong malaman nang higit pa ang Islam - ang tanging relihiyong tatanggapin ng Allah. Ang relihiyon sa paningin ng Allah ay Islam:
“Sinumang maghangad ng relihiyon bukod sa Islam, ito ay hindi tatanggapin sa kanya; at sa kabilang buhay isa siya sa mga talunan.” [Qur’an 3:85]
Ano ang paraan upang malaman ang mga Kautusan ng Allah at Kanyang mga Batas?
Kahit gaano pa kalakas ang kakayahan, pang-unawa o talinong iginawad sa tao, hindi niya kailanman malalaman ang mga itinakdang batas ng Allah, at ang Kanyang mga panuntunan, mga kautusan, o ipinag-babawal kahit gamitin pa niya ang mga naturang katangian. Kung ang tao ay hindi nababatid ang nasa isip ng iba maliban lamang kung sabihin ng huli ang kanyang iniisip, papaano pa kaya malalaman niya ang layunin ng Allah - ang Lumikha ng sanlibutan? Samakatuwid, hindi makakayanan ng sinuman na gumawa ng mga batas para sa mga nilikha maliban lamang sa kanilang Tagapaglikha, ang Isang naka-babatid kung ano ang nasa kanilang kaisipan, kung ano ang makabubuti sa kanila at kung ano ang tama nilang kalalagyan sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Tanging sa pamamagitan lamang ng mga banal na kapahayagan na ibinigay ng mga Sugo sa tao na nagpaliwanag sa mga layunin ng Allah at ang mga pamamaraan kung paano makamit ang kasiyahan ng Allah. Ang huli sa mga Sugong ito ay si Muhammad (SAW) ang anak ni Abdullah mula sa angkan ng Hashimite.
PAGKILALA SA MGA SUGO
Inyong nalaman na ang mga Sugo ay mga taong may tungkuling iparating ang mga Batas at Kautusan ng Allah. Ano ang mga pamamaraan upang makilala ang mga Sugo at malaman ang mga katibayan ng kanilang pagiging tunay na Sugo?
Mga Katibayan ng Pagkatotoo ng mga Sugo
Sa sandaling magkaroon ng katibayan, nararapat lamang kilalanin ang kanilang pagka-Propeta. Ang ilan sa mga katibayan upang patunayan ang kanilang pagiging Sugo ay:
1)Hindi nila hinahangad ang anumang bagay para sa sariling kapakanan, bagkus hinahangad ang mga bagay para sa kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay-babala sa tao laban sa anumang maaaring makapagbigay pinsala sa kanila.
2) Ang mga sinabi ng mga Propeta sa tao tungkol sa di-nakikitang daigdig, walang sinumang maka-lirip nito sa pamamagitan ng kanilang talino. Magkagayunma’y laging nagpapatunay ang mga aktual na nangyayari tungkol sa kanilang mga tinuran.
3)Ang bawa’t Sugo ay ginawaran ng mahimalang tanda na hindi kayang tularan o pasubalian ng tao. Si Nuh (Noah), bilang halimbawa, ay hinamon ang kanyang lahi na patayin siya, subali’t hindi nila ito kayang gawin, kahit pa man din siya ay nakahalubilo nila nang walang bantay at siya’y napaligiran ng poot ng mga di-nananampalataya. Gayundin ang angkan ni Ibrahim (Abraham) at ni Hud, sila ay hindi nila kayang saktan. Tinulungan ng Allah, Ang Kataas-taasan, si Musa (Moises) na gawing ahas ang kanyang tungkod sa anumang oras na nais ni Musa. Samantalang si Issa (Jesus) ay pinagaling ang bulag at ketongin at binuhay ang patay sa pahintulot ng Allah. Si Muhammad (SAW) ay tinanggap ang dakilang Qur’an. Kung isaalang-alang na siya ay hindi nakapag-aral at hindi kailanman sumailalim sa pagtuturo ninuman, magkagayon ma’y hindi nakayanan ng kanyang angkan na gumawa ng isang aklat na katulad ng Qur’an sa kabuuan nito, ni hindi sila nakasulat ng sampung kabanatang katulad nito. At sa dakong huli, hinamon sila ng Allah na gumawa kahit isang kabanata na lamang katulad ng alin man sa Qur’an, subali’t hindi nila kaya ang hamong ito. Kailanman ay hindi nila magagawa ito. Ang Allah ay nagsabi:
“Kung ang sangkatauhan at Jinn ay magkatipon-tipon upang gumawa ng katulad nitong Qur’an, hindi nila makakayanang gawin ito - kahit magtulungan pa sila sa isa’t - isa”. [Qur’an 17:88]
Nagpadala ang Allah ng Sugo sa bawa’t bansa, at Kanyang ginawaran ng himala na angkop sa kali-kasan ng kanyang lahi. At sa dahilang nagpadala ang Allah ng Sugo nang may mensahe ukol sa tanging bansa at sa dahilang ang mga mensahe ay hindi mga pinal o permanente, ang mga mensaheng ito ay nawala o kumupas kaalinsabay ng pagpanaw ng mga lahing kung kanino ito ipinadala. Subali’t ang mensaheng ipinadala kay Propeta Muhammad (SAW) ay panghuli at walang-hanggan. Ang mga himala ng mga naunang Sugo ay pangkaraniwan nang likas na makalupa. Datapwa’t, angQur’an ay isang pang-kaisipan at pang-agham na himala, kaya naman ito ay akma sa talino ng tao sa lahat ng panahon.
Ngayong nabatid ang mga paraan upang makilala ang Deen (pamamaraan ng buhay) ng Allah - ang Islam, - anongIslam naman ang tinatanggap ng Allah at kung ano ang Kanyang tatanggapin mula sa Kanyang mga alipin? Pag-aralan nating masinsinan ang detalye ng Islam. Katulad nang inyong natunghayan, ang kahulugan ng Islam ay pagsuko sa kalooban ng Allah nang may pagkamasunurin. Ang kahulugan nito ay pagsamba sa Allah lamang, na hindi nagbibigay ng katambal sa Kanya. Ang Islam ay kinapapalooban ng mga rituwal at gawa na ginagampanan ng tao dahil sa pagsunod sa Allah. Ito ay naaayon sa mga mensahe ng mga Sugo - ang huli sa kanila ay si Propeta Muhammad (SAW). Ang mga batas at panuntunan ni Propeta Muhammad (SAW) ay nagbigay-wakas sa mga naunang banal na batas. Ang anumang batas na sumasalungat sa kanyang batas ay walang-saysay sapagka’t sumasalungat ito sa pang-wakas at permanenteng batas ng Allah.
Ang mga ritwal na ito ay nagpapakita ng Eeman (pananampalataya) sa puso ng nananampalataya, sapagka’t anuman ang nababatay sa pananampalataya at katiyakan maging lantad man o lihim, ay tunay na Deen (pananalig) sa Islam. Ang Islam ay siyang paraan upang makamit ng tao ang kasiyahan ng kanyang Rubb - ang kanyang Tagapaglikha. Ito rin ang paraan ng kaligtasan na magpapalaya kaninuman mula sa kaparusahan sa Araw ng Pagbabangong-muli.
Ang pinakalayunin ng Islam ay upang panatilihin ang mga sumusunod:
a) Ang Deen (Panuntunan ng Buhay)
Nagtakda ang Allah ng mga batas at panuntunan, nagpadala ng mga Sugo, at nagpahayag ng Kanyang mga Aklat upang panatilihin ang Deen, at bantayan ito laban sa anumang pagbabago, at ialay ang lahat ng pagsamba sa Allah lamang. Kanyang ipinag-utos ang Jihad (pakikibaka dahil sa Allah) upang panatilihing mangibabaw ang Kanyang Salita, at upang alisin ang hadlang na nagpipigil sa tao sa pagsamba sa kanilang Rubb.
b) Ang Talino
Ipinagbabawal ng Islam ang lahat ng sumisira sa pag-iisip maging ito ay pagkain, inumin o anu-paman. Ang Allah ay nagsabi:
“Katotohanan, ang alak, sugal, (pagsamba at pag-aalay sa) diyus-diyusan, at pakikipagsapalaran sa pamamagitan ng palaso ay mga kasuklam-suklam na gawain ni Satanas.” [Qur’an, 5:90]
c) Ang Tao
Ipinagbabawal din ng Islam ang lahat ng bagay na nakakasira sa tao. Ang tao ay hindi pinahihin- tulutang saktan ang sarili o magpakamatay. Ang pananakit sa iba ay ipinagbabawal din, at gayundin ang pagpatay sa iba o pagbibigay ng anumang nakapagpapahina sa katawan ng iba. Kaya naman ang pagpataw ng parusa sa pagpatay ng kapwa ay itinakda upang ipagtanggol ang buhay ng tao. Ang pagkitil sa buhay ng kriminal ay higit na mabuti kaysa iligtas ang buhay niya nang wala na siyang pagkakataon pang pumatay ng iba. Walang katuturan ang pagpapakita ng habag sa mamamatay-tao, at inaalisan ng awa ang naging biktima. (halimbawa ang pamilya ng biktima).
d) Ang Ari-arian.
Ang paghahanap-buhay at pagsisikap na magka- roon ng sariling pagkakitaan ay pinahihintulutan at maging ang pagpapanatili sa mga ito. Ang pagwaldas ng yaman at ang labis na paggugol kahit na sa mga pinahihintulutang bagay ay ipinagbabawal sa Islam. Ang Allah ay nagsabi:
“....At kumain at uminom subali’t huwag mag-aksaya...” [Qur’an - 7:31]
Ipinagbabawal sa kaninuman ang mag-abuso maging sa sariling yaman. Hindi pinahihintulutan ang sinuman na kunin ang ari-arian ng iba nang walang pahintulot. Ipinagbabawal ang pagkamkam ng ari-arian ng iba. Sa ganitong kadahilanan kung bakit dapat putulin ang kamay ng isang magnanakaw bilang parusa. Gayundin naman, ang patubuan ay ipinagbabawal upang iligtas ang ari-arian ng tao laban sa pagmamalabis at pagsa-samantala.
e) Ang Dangal
Iniingatan ng Islam ang dangal ng tao, at ipinagbabawal ang paninirang-puri o pang-aabuso ng dangal o karangalan ng iba. Magkagayon, pinanatili ng Islam ang karapatan ng tao upang ipagtanggol ang kanilang dangal, at gawin itong ligtas. Ang pang-abuso nito ay may nakalaang kaparusahan.
Matapos nating suriin ang naturang limang bagay na nais panatilihin ng Islam, kailangan nating malaman ang mga batayan ng Shari’ah na kung saan kinuha ang mga batas at panuntunan.
ANG MGA BATAYAN NG SHARI’AH
Ang batayan ng Shari’ah ay Qur’an at ang Sunnah ng Sugo (saws) na nagsisilbing pagpapaliwanag ng Qur’an. Ang mga paham ay nagbigay ng malaking pagsisikap para sa pagkuha ng mga panuntunan mula sa dalawang dakilang batayang ito. Sa dahilang ang Shari’ah Islamiko ay siyang panghuli sa lahat ng banal na batas, ito ay may layuning iakma sa bawa’t panahon at pook. Kaya naman, ang mga pasiyang pambatas na hininuha ng mga mambabatas ay hindi magkatulad, sapagka’t ang kanilang kapasiyahan ay nakabatay sa kanilang pang-unawa sa mga teksto. Ang mga hininuhang pasiya ay tinatawag na Al-Fiqh - o hurisprudensiya, na tinipon ng iba’t ibang Imam (mga pinunong paham na Muslim). May apat na kilalang Madhahibs, o uri ng mga mambabatas na itinatag ng iba’t ibang Imam o paham na ang mga aral ay kumalat at sinunod ng maraming mag-aaral. Ang apat na mambabatas ay:
a) Al-Hanafi madth’hab, ni Imam Abu Hanifa.
b) Ash Shafiee, ni Imam Muhammad bin Idrees Ash Shafi’ee.
c) Al Malikee, ni Imam Malik bin Anas.
d) Al Hanbali, ni Imam Ahmad bin Hanbal.
Ang sinumang hindi kayang unawain o mahulo ang mga pasiya mula sa Aklat at Sunnah, ay maaaring sumangguni sa sinumang mapapanaligang maalam na kilala sa kanyang tama at matibay na pananalig sa pagganap sa Ahlus - Sunnah wal - Jama’ah. (Pagganap sa Islam ayon sa pagkakaunawa ng Propeta (saws) at ng kanyang mga Sahaba (kasama).
Ang Jihad:
Upang panatilihin ang Islam, at ibahagi ito sa tao, at upang alisin ang sagabal sa landas nito, itinakda ng Allah ang Jihadbilang pinahihintulutang institusyon o paglalaban. Inaalis din ng Jihad ang tao mula sa mga taong umaalipin sa kanila, at mula sa pagyuko’t pagsuko sa kapwa tao. Gayundin upang pigilin sila sa pagsamba sa mga patay, puno, bato at iba pang idolo, at dalhin sila sa pagsunod lamang sa Allah mula sa dilim ng kamangmangan na pinagkaitan ng liwanag ng katotohanan. Sa madaling salita, ang Jihad ay pinahihintulutan upang tulungan ang tao para ilayo siya sa pagsamba sa kapwa tao tungo sa pagsamba sa kanyang Rubb, at alisin sa kanila ang kagipitan sa mundong ito tungo sa isang kasaganaan sa daigdig na darating.
Matapos mabasa ang mga panuntunan ng Islam, ating mapapagtantong isang tungkulin sa atin bilang tao o sambayanan na tupdin itong lahat.
ANG MGA TUNGKULING INIATAS SA BAWA’T TAO
Bawa’t isa sa sambayanan ay may karapatan, at siya’y binigyan ng mga tungkulin. Sa maikling salita, ang mga karapatang itinakda sa bawa’t isa ay apat:
1) Ang karapatan ng Allah.
2) Ang pansariling karapatan ng tao.
3) Ang karapatan ng kapwa tao.
4) Ang karapatan ng mga nilikha, at ang lahat na nasa kamay ng tao na pinahihintulutang gami-tin o pagyamanin.
Isang tungkulin ng bawa’t tunay na Muslim na malaman ang apat na karapatang ito - at tupdin nang matapat at mataimtim. Ang Shari’ah ay isa-isang binigyan ng maliwanag na kahulugan ang apat na karapatang ito, at itinuro sa tao ang mga pamamaraan upang tupdin ang mga ito sa layuning isa man sa kanila’y hindi makaligtaan ayon sa kakayahan ng tao.
Ang mga Karapatan ng Allah
Ang pang-una sa mga karapatan ng Allah ay paniniwala sa Kanya bilang tanging tunay na Diyos na may tanging karapatan sa pagsamba. Na huwag magtambal sa Kanya o magkaroon ng ibang diyos o panginoon bukod pa sa Kanya. Ang karapatang ito ay maaaring tupdin sa paniniwala sa Kalimah na nangangahulugang: La Ilaha Illallaah (Walang tunay na diyos na dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah) katulad ng naipaliwanag sa mga unang pahina.
Ang pangalawa sa mga karapatan ng Allah ay ganap na pagsuko sa katotohanan at patnubay na nagmula sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Sugo (SAW). Ito ang kahulugan ng Muhammadan Rasul-lullaah (Muhammad ay Sugo ng Allah), ang panga-lawang pagpapahayag ng pananampalataya.
Ang pangatlo sa mga karapatan ng Allah ay pagsunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang mga batas na malinaw na nakasaad sa Kanyang Aklat, at ipinaliwanag ng Sunnah (mga winika, ginawa at pinahintulutan) ng Sugo ng Allah (SAW).
Ang pang-apat sa mga karapatan ng Allah ay pagtupad ng tao sa mga naturang tungkulin na iniatas ng Allah sa kanya. Ang bawa’t isa ay dapat isakripisyo ang sarili at maging ang karapatan ng kanyang kapwa tao para sa karapatang ito. Halimbawa, kapag ang isang Muslim ay nag-aalay ng pagdarasal o pag-aayuno, siya ay katunayang nagsasakripisyo nang marami sa kanyang pangangailangan. Gigising siya nang maaga sa umaga upang magsagawa ng ablusiyon(wudhu) para sa bukang-liwayway na pagdarasal. Kanyang iniiwan ang marami sa kanyang mahahalagang trabaho, maraming ulit sa loob ng maghapon at magdamag, upang tupdin lamang ang kanyang pagdarasal. Pinipigil ang sariling kumain o uminom upang mag-ayuno sa buong buwan ng Ramadan. Ang Muslim ay unang binibigyan ng halaga ang pagmamahal sa Allah kaysa sa pagmamahal sa kayamanan sa tuwing siya’y magbibigay ng Zakat. Tinitiis niya ang kahirapan ng paglalakbay at iniiwan ang mahal sa buhay at negosyo, at gumugugol mula sa kanyang yaman upang magsagawa ng Hajj. Isinasakripisyo din ang kanyang kayamanan at buhay sa Jihad para sa landas ng Allah lamang. Bukod pa rito, isinasakripisyo ng Muslim ang marami sa kanyang yaman, (halimbawa - sa pag-aalay ng hayop at gayundin ang paggugol sa kawanggawa.)
Sa kabilang dako, nagtakda ang Allah ng mga hang- ganan sa pagsagawa ng Kanyang karapatan upang hindi mabigatan ang Kanyang mga alipin. Bilang halimbawa ang pagdarasal, hindi nagbibigay ng hirap ang Allah sa pagsagawa nito ng Kanyang alipin. Kung walang tubig o kung ang tao ay may sakit, maaari siyang magsagawa ngTayammum (ang paggamit ng malinis na lupa o buhangin sa pagpapakadalisay bago magsagawa ng Salaah). Maaaring paikliin ang ilan sa mga itinakdang pagdarasal kapag naglalakbay. Kapag ang tao ay may sakit, maaari siyang magdasal nang nakaupo o nakahiga. Ang pagbabasa ng mga talata o kabanata sa Qur’an ay hindi kinakailangan maging mahaba. Kung hindi nagmamadali, maaari siyang magbasa ng mahahabang kabanata tulad ng Al-Bakarah, Al-Imran, An-Nisa o alin pa man. Hindi pinahihintulutan sa Imam na namumuno sa pagdarasal na pahabain ang pagdarasal sa pagbasa ng mahahabang kabanata sapagka’t may mga may sakit o mahihina ang katawan na dapat isaalang-alang.
Mahal ng Allah ang Kanyang mga aliping nagsasagawa ng karagdagang pagdarasal pagkatapos ng itinakdang dasal, subali’t hindi sa puntong pagkaitan sila ng tulog at pahinga o paglisan sa hanapbuhay, ni hindi dumating sa puntong mapapabayaan ang sariling karapatan o ng karapatan ng ibang alipin ng Allah.