Monday, January 3, 2011

Mga Kundisyon at Mabuting Dulot ng Laa Ilaaha Illa Allah

Mga Kundisyon ng Laa Ilaaha Illa Allah

Ang paniniwala sa Laa Ilaaha Illa Allah ay may pitong kundisyon; hindi magiging makabuluhan ang pagbigkas niyon kung hindi nabuo ang mga ito at sinunod ng tao ang mga ito nang walang pagsalungat sa anuman sa mga ito.

1. Ang Kaalaman

Ito ay ang kaalaman sa kahulugan nito batay sa pagkakaila (na may iba pang totoong Diyos) at pagkilala (na si Allah lamang ang totoong Diyos) at batay sa ang anumang gawaing hinihiling nito. Samakatuwid, kapag nalaman ng isang tao na si Allah ang kailangang sambahin lamang, na ang pagsamba sa iba sa Kanya ay walang saysay at gumawa siya ayon sa hinihiling ng kaalamang iyon, siya ay talagang nakaaalam sa kahulugan ng Laa Ilaaha Illa Allah. Nagsabi si Allah (47:19): "Kaya pakaalamin mo na walang Diyos kundi si Allah,…"

Nagsabi naman ang Sugo (saw): "Ang sinumang mamatay at nalalaman niya na walang Diyos kundi si Allah, papasok siya sa Paraiso."

2. Ang Katiyakan

Ito ay nangangahulugang bibigkasin ang Shahadah: Laa Ilaaha Illa Allah ayon sa katiyakang ikinapapanatag ng puso nang hindi pinapasukan ng anumang mga pag-aalinlangang ihinahasik ng mga demonyong jinni tao at mga demonyong tao. Manapa'y sinasabi ito nang may ganap na katiyakan sa ipinahihiwatig nito. Nagsabi si Allah:

"Ang mga sumasampalataya lamang ay ang mga  naniwala kay Allah sa Kanyang Sugo, at pagkatapos ay hindi sila nag- alinlangan …" {49:15}

Nagsabi naman ang Sugo (saw):"Sumasaksi ako na walang Diyos kundi si Allah at na ako ay Sugo ni Allah. Walang makikipagtagpo kay Allah na isang taong hindi nagdududa sa dalawang [pagsasaksing] ito nang hindi papasok sa Paraiso."

3. Ang Pagtanggap

Nangangahulugan ito na tatanggapin ang lahat ng hinihiling ng paniniwala sa Laa Ilaaha Illa Allah, sa isip at sa salita. Kaya  aman paniniwalaan ang mga Kapahayagan ni Allah at ang lahat ng nasasaad mula sa Sugo (saw). Tatanggapin ang lahat ng mga ito, at walang anumang tatanggihan sa mga ito. Nagsabi si Allah:

"Sumampalataya ang Sugo sa ibinaba sa kanya mula sa Panginoon niya, at gayon din ang mga Mananampalataya. Bawat isa ay sumampalataya kay Allah, sa mga anghel Niya, sa mga Aklat Niya, at sa mga sugo Niya. "Hindi kami nagtatangi-tangi sa mga sugo," sabi nila. At sinabipa nila: "Narinig namin at tumalima kami; igawad Mo po ang Iyong kapatawaran, Panginoon namin; at sa Iyo ang Hantungan." {2:285}

Pumapasok sa larangan ng pagtanggi at kawalan ng pagtanggap ang sinumang tumututol o tumatanggi sa ilan sa mga patakaran o mga kaparusahan na itinakda ng Shari'ah (Batas ng Islam), gaya ng mga tumututol sa parusang iginagawad sa salang pagnanakaw o pangangalunya, o sa pag-aasawa ng higit sa isa, o sa paraan ng paghahati ng mana, at iba pa. Nagsabi si Allah:

"Hi ndi nararapat para sa lalaking mananampalataya ni sa babaeng mananampalataya, kapag nagtakda si Allah at ang Kanyang sugo ng isang kautusan, na magkakaroon pa sila ng pagpipilian sa kanilang pagpapasya.…" {33:36}

4. Ang Pagpapaakay 

Ito ay ang pagsuko at ang pagpapaakay sa pamamagitan ng pagpapaakay sa ipinahihiwatig ng Laa Ilaaha Illa Allah. Marahil ang pagkakaiba sa pagitan ng pagpapaakay at ng pagtanggap ay na ang pagtanggap ay ang pagpapahayag ng pagtanggap sa kawastuhan ng kahulugan nito sa pamamagitan ng salita, samantalang ang pagpapaakay naman ay ang pagsunod sa pamamagitan ng mga paggawa. Kapag nalaman ng isang tao ang kahulugan ng Laa Ilaaha Illa Allah, naniwala rito nang may katiyakan, at tinanggap ito ngunit hindi naman siya nagpaakay, hindi nagpasakop, hindi sumuko, at hindi niya ginawa ang hinihiling ng kanyang nalaman, tunay na iyon ay wala ring mabuting maidudulot sa kanya.

Nagsabi si Allah: "At magbalik-loob kayo sa inyong Panginoon at sumuko kayo sa Kanya.…" {39:54}

at sinabi pa Niya:
"Kaya hindi nga, sumpa man sa iyong Panginoon, hindi sila sumasampalataya hangga't hindi ka nila ginagawang tagahatol sa anumang hidwaang namamagitan sa kanila, at pagkatapos ay hindi sila nakasusumpong sa kanilang mga sarili ng pagtutol sa anumang ihinusga mo at nagpapasakop sila nang tunay na pagpapasakop." {4:65}

5. Ang Katapatan

Ito ay ang katapatan kay Allah, sa pamamagitan ng pagiging tapat sa pananampalataya at tapat sa Pinaniniwalaan. Nagsabi si Allah: "O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allah at maging kasama kayo ng mga tapat." {9:119}

Nagsabi naman ang Sugo (saw): "Ang sinumang magsabi ng La Ilaha Illallah nang tapat mula sa kanyang puso, papasok siya sa Paraiso."

Samakatuwid, kung binigkas man ng isang tao ang Shahadah sa pamamagitan ng kanyang dila ngunit tinanggihan naman sa puso ang ipinahihiwatig nito, hindi makapagliligtas iyon sa kanya; sa halip ay pumapasok lamang siya sa hanay ng mga Munafiq. Kabilang din sa sumasalungat sa katapatan ay ang pagpapasinungaling sa anumang ihinatid ng Sugo (SAS) na katuruan o ang pagpapasinungaling sa ilan sa ihinatid niya, sapagkat si Allah ay nag-utos sa atin na tumalima at maniwala sa Sugo(SAS), at iniugnay pa nga Niya iyon sa pagtalima sa Kanya. Sinabi Niya: "Sabihin mo: "Tumalima kayo kay Allah at tumalima kayo sa Sugo;…" {24:54}

6. Ang Kawagasan

Ito ay ang pagdadalisay ng tao sa kanyang gawa o kilos, sa pamamagitan ng matuwid na hangarin, mula sa lahat ng mga bahid ng Shirk. Iyon ay nangangahulugang mamumutawi sa kanya ang lahat ng mga salita at mga gawa upang wagas na iukol kay Allah. Hahangaring makamit ang pagkalugod Niya, nang walang bahid ng pagpapakitang-tao, o ng hangaring mapuri ng tao o, ng layuning magtamo ng kapakinabangan, o ng pansariling hangarin, o ng pagnanasang hayag o lihim, o ng udyok ng pagkilos dala ng pag-big sa isang tao o pananaw sa buhay o prinsipyo o partidong sinusunod nang walang pagsasaalang-alang sa patnubay buhat kay Allah. Manapa'y kailangang siya, sa kanyang gawain, ay naghahangad na makamit ang ikalulugod ni Allah at ang kaligtasan sa Kabilang-buhay. Hindi ibaling ang puso sa kahit sinumang nilikha dahil sa pagnanais na magkamit mula rito ng gantimpala o pagpapasalamat. Nagsabi si Allah:

"Tunay ngang ukol kay Allah ang wagas na pagsamba.…" {39:3}

at sinabi pa Niya: "At walang iniutos sa kanila kundi sambahin nila si Allah, habang wagas na inuukol sa Kanya ang pagsamba…" {98:5}

Nasasaad naman sa Sahih al-Bukhari at Sahih Muslim, sa Hadith na isinalaysay ni 'Utban, na ang sabi ng Sugo (saw): "At tunay na si Allah ay nagkait nga sa Impiyerno ng sinumang nagpahayag ng La Ilaha Illallah, na naghahangad sa pamamagitan niyon ng ikinalulugod ni Allah."

7. Ang Pag-ibig

Ang tinutukoy rito ay ang pag-ibig sa dakilang Pahayag na ito, at sa ipinahihiwatig nito at sa hinihiling nito. Samakatuwid, iibigin si Allah at ang  Kanyang Sugo (saw), pangingibabawin ang pag-ibig sa Kanilang dalawa higit sa lahat ng pag-ibig, at gagampanan ang mga kundisyong hinihingi ng pag-ibig na ito at ang mga hinihiling na gagawin para rito. Iibigin si Allah nang may kalakip na pagpipitagan, pagdakila, takot, at pag-asa. Iibigin ang iniibig ni Allah na mga pook gaya ng Makkah, Madinah, at mga Masjid—sa kabuuan; mga panahon na gaya ng buwan ng Ramadan, unang sampung araw sa buwan ng Dhul Hijjah at iba pa; mga persona na gaya ng mga propeta, mga sugo, mga anghel, mga matapat na tao, mga Shahid,(1) at mga matuwid na tao; mga gawaing panrelihiyon na gaya ng pagsasagawa Salah, pagbibigay ng Zakah, pag-aayuno, at pagsasagawa ng Hajj; mga salita na gaya ng pagbigkas ng Dhikr at pagbabasa ng Qur'an.

Kabilang din sa pag-ibig na ibigin ang mga iniibig ni Allah nang higit kaysa sa mga iniibig ng sarili, mga pinakaaasam-asam nito, at mga minimithi nito. Bahagi rin ng pag-ibig kay Allah na kasuklaman ang kinasusuklaman Niya: kasusuklaman ang mga walang pananampalataya, ang kawalang-pananampalataya, ang kasuwailan, at ang pagsuway. Nagsabi si Allah:

"O mga sumampalataya, ang sinumang tatalikod sa inyo sa kanyang relihiyon, magdadala si Allah ng mga taong Kanyang iibigin sila at kanilang iibigin Siya, na mga mapagpakumbaba sa mga Mananampalataya, mga mabagsik sa mga Tumatangging sumampalataya. Makikibaka sila sa landas ni Allah at hindi sila mangangamba sa paninisi ng naninisi. …" {5:54}

(1) Martir o taong namatay na nakikipaglaban alang-alang sa Islam.

-------------------------------------------------------------------------
Ang Kapakinabangang Dulot ng Laa ilaaha illa Allah

Ang pahayag na ito ay may maraming mga kapakinabangan at mga bungang idinudulot. Ang mga sumusunod ang ilan sa mga ito:

1. Na ito ay isang dahilang humahadlang upang manatili magpakailanman sa Impiyerno ang sinumang naniniwala sa Tawhid na naging karapat-dapat na pumasok sa Impiyerno (dahil sa mga nagawang masama). Nasasaad sa Hadith sa Sahih al-Bukhari at Sahih Muslim na ang Propeta (saw) ay nagsabi:

"Ilalabas sa Impiyerno ang sinumang nagsabi ng Laa ilaaha illa Allah habang sa kanyang puso ay may kasimbigat ng isang butil na barley na kabutihan, at ang sinumang nagsabi ng Laa ilaaha illa Allahhabang sa kanyang puso ay may kasimbigat ng isang butil na trigo na kabutihan, at ilalabas din sa Impiyerno ang sinumang nagsabi ng Laa ilaaha illa Allah habang sa kanyang puso ay may kasimbigat ng isang butil na alabok na kabutihan."

2. Alang-alang dito ay nilikha ang Jinni at ang Tao. Sinabi ni Allah: "At hindi Ko nilikha ang Jinni at ang Tao kung hindi upang sambahin nila Ako." {51:56}

3. Ito rin ang dahilan kaya isinugo ang mga Sugo at ibinaba ang mga Banal na Aklat. Sinabi Niya:
"At hindi Kami nagsugo noong wala ka pa ng  isang sugo kung hindi Namin isiniwalat dito na walang Diyos kundi Ako, kaya naman sambahin ninyo Ako." {21:25}

4. Ito ang susi ng pag-aanyaya ng mga sugo ni Allah. Silang lahat ay nag-anyaya sa katuruang ito. Ang bawat isa sa kanila, ayon sa nasasaad sa Qur'an, ay nagsasabi sa mga taong pinagsuguan sa kanila: "… Sambahin ninyo si Allah;  wala na kayong Diyos na iba pa sa Kanya. …" {7:73}

5. Ito ang pinakamainam na binabanggit sa paggunita kay Allah, gaya nga ng sinabi ng Propeta (saw): "Ang pinakamainam na sinabi ko at ng mga propeta na nauna sa akin ay La Ilaha Illallah, wahdahu la Sharika lah (Walang Diyos kundi si Allah—tanging Siya lamang: wala Siyang katambal)."


2 comments:

  1. Preserved AaishahJanuary 27, 2011 4:20 AM

    لاَ إِلَهَ إِلاَّ اللهُ محمّدا رّسول الله

    SubhanaLLAH.! This is what I wanted to have since we had discussed about this.. AlhamduLILLAH.! I found it here.!

    JazakomoLLAHUL Jannatol Firdausil A'la.. Aameen.!

    ReplyDelete
  2. al jumhar caleJune 16, 2012 3:02 AM

    jazakallahu khayr. sana barassan ka ng ALLAH subhana wa ta'ala

    ReplyDelete