Monday, January 3, 2011

Ang Limang Haligi Ng Islam

ANG LIMANG HALIGI NG ISLAM

Sa bawat Muslim ang kanyang pananampalataya ay aktibo sa lahat ng araw at panahon ng kanyang buong buhay habang siya'y nabubuhay. Ito ay dahil sa limang haligi ng kanyang pananampalataya na dapat siyang isakatuparan sa pang-araw-araw, sa bawat taon o minsan man lamang sa kanyang buong buhay. Dahil dito ang Muslim ay lagi nang may buhay na pananampalataya upang kanyang maisakatuparan ang limang haligi ng Islam. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Ang Shahadatain (Ang Pagpapahayag ng Tunay na Pagsamba)

Ang bagay na ito ay nakapaloob sa "kalima" ng mga Muslim. Ito ay nangangahulugan na "Wala ng ibang Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang Sugo." Ito ay nangangahulugan ng purong pagsamba sa Iisang Diyos at di pagbibigay o pagsasama sa Kanyang kaisahan. Ano mang pananampalatayang nangangahulugan ng pagsamba sa ibang bagay, pagdaragdag sa mga "dinidiyos", pag-iidolo sa nga nilikha ng Diyos maging iyon man ay anghel, banal na espiritu, banal na tao o propeta, mga buhay at patay na bagay ay nasa labas ng Islam. Sa Islam, ang pagsamba ay tanging sa Allah lamang, tuwiran at walang sinuman ang makapamamagitan sa Kanya. Dahil dito ang pagsamba sa mga inaakalang mga tagapamagitan ng Diyos ay malayo sa pananampalatayang Islam. Gayundin naman ang pagkilala sa pagkapropeta ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ang pagsunod sa kanyang mga yapak bilang pamantayan ng isang makahulugang pamumuhay sa lahat ng paraan ay isang tungkulin ng bawat Muslim. Nararapat na sundin ng mga Muslim ang anumang bagay na itinuro ng Huling Propeta sapagkat ang Allah na rin ang nagpahayag sa Qur’an ng:

"Talikdan ninyo ang kanyang mga ipinagbabawal at sundin ang kanyang ipinag-uutos." [Quran, 59:7]

“Siya na sumusunod sa Sugo ay sumusunod sa Allah..” [Qur’an 4:80]

Subalit ang pagpapahayag ng pananampalataya ay hindi nababatay lamang sa paniniwala sa isang tunay na Nag-iisang Diyos at pagkilala sa Huling Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang Islam ay hindi isang pananampalatayang sinasabi lamang ng bibig o ibinabadya ng dila o isang akademyang aralin lamang na dapat matutuhan. Ito ay nangangahulugan ng pagtalima sa mga bagay na ispirituwal at moral, ang pagiging makahulugan ng buhay, ang pagiging kapaki-pakinabang natin bilang nilikha ng Allah. Ang pakikipagkapwa at paggamit sa mga kapangyarihan ng isip sa kaaya-ayang bagay, ang makabuluhang paggamit ng Kanyang mga biyaya at ang pag-ibig sa Allah na laging may init at buhay sa dibdib.

2. Ang Salah (Pagdarasal)

Kung ang bagay na kinakain natin para sa ating sikmura ay pagkain ng katawan, gayon din naman ang Salah ay pagkain ng kaluluwa. Sa Islam, ang pamumuhay ay isang balanseng bagay na pagkatawan at pang-ispirituwal. Ito ay naglalayon na dapat tayong magkamit ng mabuting bagay dito sa lupa at maging sa kabilang buhay. Ang Islam ay hindi isang makalupang buhay at hindi rin naman makaispirituwal lamang. Ang Islam ay nagtuturo sa pagkakaroon ng balanseng pisikal at ispirituwal na pamumuhay. Kaya nga't ang buhay na monastiko ay walang puwang sa Islam. Gayundin naman ang lubhang makamundong buhay ay wala ring puwang sa Islam. Kaya nga’t sa bawat dasal ng Muslim ay lagi na ang pagsambit sa ganitong parirala: "O Allah!, bigyan mo po kami ng mabuting bagay dito sa lupa at ng mabuting bagay sa kabilang buhay." Ang Muslim ay mayroong limang (5) takdang pagdarasal sa araw-araw. Ang pag-alaala tuwina at pagtawag sa Kanya ng limang beses sa maghapon ay naglalayo sa sinuman sa tukso at kasalanan. Ito ay nagpapadalisay sa puso at nagbibigay ng mataas na moral. Ito ay isang mabisang kalasag o panangga sa bawat tao upang lagi niyang maisaisip na mayroong isang Makapangyarihang Diyos na nagmamasid sa kanyang ginagawa sa lupa. Ito ay nagpapanatili upang laging malusog ang ating kaluluwa. Ito ay nagpapatibay ng moog ng pananampalataya at nagbibigay ng paghahanda tungo sa araw ng pakikipagtipan sa Allah.
Winika ng Allah sa Qur’an:

“At lagi nang magtatag ng palagiang pagdarasal, sapagkat ang pagdarasal ay nakapagpapaiwas sa kahiya-hiyang pananalita at di makatarungang asal, datapuwa’t ang pag-aalaala sa Allah ay higit na dakila”. [Qur’an, 29:45]

“Katotohanang Ako ang Allah, wala ng iba pang diyos maliban sa Akin, kaya’t sambahin ninyo Ako at magtatag ng palagiang pagdarasal bilang pag-aalaala sa Akin”. [Qur’an, 20:14]

3. Ang Sawm (Pag-aayuno)

Ito ay isang taunang obligasyon ng bawat Muslim na may sapat na gulang at kalusugan ng katawan tuwing buwan ng Ramadhan. Ang pag-aayuno sa Islam ay pagkakait sa sarili ng anumang pagkain, inumin at relasyong seksuwal mula sa oras ng bukang-liwayway hanggang takipsilim. Ito ay isang disiplina sa mga Muslim sa buong buwan. Ang Allah ay nagpahayag sa Qur’an sa kahalagahan ng pag-aayuno:

"O kayong nagsisisampalataya!, ang pag-aayuno ay iginawad sa inyo kung paano rin naman iginawad sa mga nangauna sa inyo upang kayo ay magkamit ng kabanalan (at mapaglabanan ang tukso)". [Quran, 2:183]

Samakatuwid, ang layunin ng pag-aayuno ay hindi para lamang magpakagutom. Sa Muslim, hindi lamang ang sikmura ang nag-aayuno kundi ang lahat ng bahagi ng kanyang katawan tulad ng mata, tainga, dila, kamay at paa na umiiwas sa lahat ng masasama at kasalanan. Bagama’t ang Muslim ay nagtatamo ng paghihirap sa pag-aayuno, sa kabila noon siya ay maligaya sa pagtupad nito sapagkat ito ay isang bagay na ginagawa niya upang magtamo ng kasiyahan ng Allah. Ang pag-aayuno ay isang bagay na pangdisiplina sa sarili upang mapaglabanan ang mga tukso. Gayundin, upang magkaroon ng sapat na pagtitimpi sa anumang tukso o pagsubok na maaaring dumating sa buhay.

Ito ay mabisang bagay upang lagi nang sumaisip ang pag-ibig sa Allah at isang matibay na pananggalang upang lagi tayong makaramdam ng pagkatakot sa Diyos. Hindi pagkatakot sa isang halimaw o multo kundi pagkatakot dahil sa pagmamahal natin sa Kanya. Ito ay isang kalasag sa masasamang naisin at isipin. Sa buong maghapong pagkakait niya sa kanyang sarili ay nagkakaroon siya ng lalong maaliwalas at bukas na isipan upang kanyang mapaglimi ang mga bagay na ispirituwal. Ito ay isang paraan upang makapagturo sa tao sa pagiging maawain at matulungin sa kanyang kapwa sapagkat sa kanyang pagkagutom ay nadarama niya kung paano ang dinaranas ng mga kapus-palad. Ito ay isang obligasyon na pantay at makatarungan na kung saan ang Muslim maging ano man ang kanyang katayuan sa buhay, mahirap man o mayaman, mahina man at malakas, taga-Silangan man o Kanluran ay nagdaranas ng magkakatulad na pagpapakasakit.

4. Ang Zakah (Itinakdang Taunang Kawanggawa)

Ang Zakah ay hindi lamang boluntaryong pagbibigay sa mga nangangailangan kundi isang obligasyong itinakda ng Allah. Ito ay hindi lamang naglalayon ng tulong pagkawanggawa, limos o kabutihan kundi isang paraan ng paglilinis sa mga kinita o kabuhayan. Samakatuwid ito ay ang paghihiwalay ng bahagi ng iyong kabuhayan para ipamahagi sa ibang mga Muslim na nangangailangan. Ito ay naglalayong isubi ang bahagi ng iyong kabuhayan na di matatawag na iyo sapagkat iyon ay nararapat na ipamahagi sa mga mahihirap at nangangailangan, sa mga ulila at balo, sa mga napipiit dahil sa kawalan ng pangbayad, sa mga institusyong pang-Muslim, mga mag-aaral na Muslim na walang salaping panustos at gayundin naman sa pagpapalaganap ng Islam. Ang Zakah ay ibinibigay ng hindi bababa sa dalawa at kalahating bahagdan (2.5%) sa bawat taon salig sa linis na kita o halaga ng mga ari-arian. Ang Zakah ay isang obligasyong dapat tuparin ng sinumang Muslim sapagkat iyon ay itinakda ng Allah at ang bawat Muslim ay tuwirang may pananagutan sa Kanya kung hindi niya magampanan ito. Ngunit sa mga Muslim na walang masasabing ipon o kabuhayan, ang pagbibigay ng Zakah ay hindi obligasyon.

Ang Zakah ay isang uri ng pagkakapatirang walang makakapantay sa ibang relihiyon. Ito ay batay sa katapatan ng isang indibidwal na tao. Sapagkat ang Zakah ay obligasyon sa bawat taon, nararapat na ang isang Muslim ay maghalaga ng kanyang naipon o mga ari-arian. Ang tapat na Muslim ay humahanap ng kanyang mapagbibigyan, gayon din naman siya ay nagkukusang pumunta sa anumang tanggapan o Kagawaran ng Zakah sa kanyang lugar upang paglagakan nito. Anupa’t sa Zakah, ang pagkakaroon ng tagapagbayad at kolektor ay walang puwang sapagkat malaya ang isang Muslim na ipatupad ang Zakah sa kanyang sarili at humanap ng sa kanyang palagay ay nangangailangan ng tulong maging siya ay kamag-anak, kaibigan o kapitbahay. Kung sa palagay niya ay walang kuwalipikadong tao na tumanggap ng Zakah sa kanyang lugar, mailalagak niya ang kanyang Zakah sa anumang kagawaran o tanggapan ng Zakah na pinakamalapit sa kanyang lugar. Ang pagbibigay ng Zakah ay lagi nang binabanggit sa Qur’an kapag ang pagdarasal ay ipinag-uutos.
Winika ng Allah sa Qur’an:

“At maging matimtiman sa inyong pagdalangin; at magkaloob ng Zakah, at iyuko ninyo ang inyong ulo kasama ng mga nagsisipanikluhod (sa pagsamba)”. [Qur’an, 2:43]

“At magsipagtatag ng palagiang pagdarasal at magbayad ng Zakah; at sumampalataya sa Allah at sa Huling Araw; hindi magtatagal, sa kanila ay igagawad Namin ang malaking pabuya.” [Qur’an, 4:162]

5. Ang Hajj (Pagdalaw sa Makkah)

Ang bawat Muslim, lalaki at babae, na may sapat na gulang, mabuting kalusugan at kakayahang gumugol sa paglalakbay ay nararapat na dumalaw sa banal na lugar ng Makkah, ang sentro ng Islam sa buong mundo, minsan man lamang (o higit pa) sa kanyang buong buhay. Ito ay nagbabadya ng pagkakaisa at pagkakabigkis-bigkis ng lahat ng mga Muslim at isang buong pagkakapatiran na walang makakapantay sa sangkatauhan. Ang pagtitipon-tipon ng lahat ng mga Muslim sa iisang lugar kahima't nanggaling pa sila sa silangan, kanluran, timog at hilaga ay pinag-uugnay ng Hajj. Dito ay hindi kinikilala ang anumang lahi, kulay ng balat, wika, kabuhayan at anumang bagay kundi ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa mata ng Allah. Ang lahat ng Muslim ay nag-aalay ng kanyang sarili sa harapan ng Allah sa iisang payak na kasuutan at sila ay gumagawa ng magkakatulad na gawang pagsamba.

Ang pagpupuri sa Allah, pagdarasal, pag-aalaala, pagmemeditasyon, pagdedebosyon at pagsamba ay isinasagawa nang buong kaganapan. Dito ay mapagkikilala ang katapatan at hindi ang kapalaluan, kababaang-loob at hindi pagmamataas. Dito ay nagaganap ang pagtatagpo-tagpo ng buong sambahayan na kumikilala sa Allah at pagkakaroon ng pagkakataon na mapagkilala ang bawat isa at makapagpalitan ng kaalaman tungkol sa Islam. Ang Makkah ang siyang kauna-unahang bahay sambahan na itinatag sa mundo sa panahon ni Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) at pinagbagong bihis ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), kaya naman ito ang lugar na tagpuan ng mga Muslim. Ginugunita rin dito ang pagsasakripisyong ginawa ni Propeta Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa kanyang anak na si Ismail (sumakanya nawa ang kapayapaan) bilang pagsunod sa Allah. Layunin din ng Hajj ang mapagkilala ng mga Muslim ang kapaligirang ginalawan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Dahil nga ang Hajj ay naglalayon para sa pagsamba sa tanging Iisang Diyos, ang Allah, dito ay nakakamit ang debosyong pang-ispirituwal at nagpapatatag ng moral, pagkakaroon ng interes sa relihiyon at mga kaalaman. Ang pagtitipon-tipon ng mga Muslim sa banal na lugar na ito ay nagpapagunita rin kung paano rin naman ang sambahayan ng mga Muslim ay magtipon-tipon sa harapan ng Allah sa Huling Sandali -- sa Araw ng Paghuhukom.

Sa pagdiriwang na yaon, tinatayang dalawang (2) milyong Muslim ang sa bawat taon ay naglalakbay patungo roon mula sa lahat ng panig ng mundo. Anupa't ang Makkah ang tanging lugar na sambahan sa buong mundo na kailanman ay di nawawalan ng tao sa lahat ng sandali. Ang Allah ay nagpahayag sa banal na Qur’an:

“At inyong ganapin ang Hajj o Umra (pagdalaw sa banal na tahanan ng Allah na itinatag dito sa lupa) para sa paglilingkod sa Allah, datapuwa’t kung ito’y may hadlang sa inyo, kayo’y magpadala ng alay para sa sakripisyo...” [Qur’an, 2:196]

“Ang pilgrimahe ay isang tungkulin ng tao na dapat niyang ialay sa Allah,- sa mga may kakayahan na gumugol sa paglalakbay; subalit kung sinuman ang magtakwil ng pananampalataya, ang Allah ay hindi nangangailangan ng anuman sa Kanyang mga nilikha”. [Qur’an, 3:97]


No comments:

Post a Comment