Monday, January 3, 2011

Ano Ang Islam?

ANO ANG ISLAM?

May makikita ba tayong paliwanag sa kahanga-hangang sandaigdigan? Mayroon bang kapani-paniwalang kahulugan ang lihim ng buhay? Batid na walang pamilya na mahusay ang pamumuhay kung walang responsableng pinuno; walang lungsod na mananatiling maunlad kung walang matatag na pamamahala; walang bansang mamalagi kung walang pamunuan. Batid din natin na walang bagay na nabubuhay sa sarili nito lamang. Alam din natin na ang sandaigidigan ay nananitili at gumagalaw sa pinakamaayos na paraan, at ito’y patuloy na namamalagi ng napakahabang panahon. Masasabi ba natin na ang lahat ng ito’y hindi sinasadya? Maidadahilan ba natin na ang pananatili ng tao at ng buong sandaigdigan ay nagkataon lamang?

Ang tao ay maliit na bahagi lamang ng kabuuan ng napakalaking sandaigdigan. Kung ang tao ay nagpaplano at kanyang pinahahalagahan ang kabutihan ng pagpaplano, sa makatuwid, ang sarili niyang buhay at ang pamamalagi ng sandaigdigan ay batay din sa nakaplanong patakaran. Ito ay nangangahulugan ng may isang kalooban na nagpaplano sa ating pananatili, at may isang pambihirang kapangyarihan na lumikha ng mga bagay at pinamamahagi silang kumilos ng mahusay.

Dito sa daigdig, tiyak na may isang kahanga-hangang lakas na kumikilos upang mapanatiling maayos ang lahat ng bagay. Sa kagandahan ng kalikasan, tiyak na may isang dakilang Lumikha ng lumalalang sa pinakamagandangsining at tumutustos sa lahat ng bagay na may natatanging layunin sa buhay.

Ang mga taong taos-pusong naka-uunawa ay kumikilala sa lumikhang ito at tinatawg Siyang Allah (Diyos). Hindi Siya tao, sa pagka’t ang tao ay hindi kayang makalikha ng ibang tao. Hindi Siya hayop, ni hindi siya halaman. Hindi Siya idolo, ni hindi Siya istatwa. Sa pagka’t isa man sa mga ito ay hindi malilikha ang sarili o ang ano pa man. Siya ay iba sa lahat ng mga ito. Siya ang Lumikha at Tagapanustos sa lahat ng ito. Ang Lumikha ng anumang bagay ay tiyak na kakaiba at nakahihigit sa mga bagay na Kanyang nilikha. Maraming paraan upang makilala natin ang Allah (Diyos), at maraming bagay na masasabi tungkol sa Kanya.

Ang mga kahanga-hanga at kagila-gilalas na bagay sa mundo ay tulad ng bukas na aklat na kung saan mababasa ang tungkol sa Allah. Bukod dito, ang Allah ang tumutulong sa atin na makilala siya sa pamamagitan ng maraming Propeta at mga Pahayag na Kanyang pinadala sa tao. Ang mga Propeta at Pahayag na ito ay nagtuturo ng lahat na dapat nating malaman tungkol sa Kanya.

Ang lubusang pagtanggap sa mga aral at patnubay ng Allah na ipinahayag kay Propeta Mohammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay siyang kabuuan ng relihiyong Islam. Sa Islam, ipinag-uutos ang paniniwala sa kaisahan at kapangyarihan ng Allah na nagbibigay sa tao ng kaalaman sa kahulugan ng sandaigdigan at sa kanyang bahagi dito. Ang paniniwalang ito ay nagbibigay sa kanya ng laya sa lahat ng pangamba at pamahiin sa pamamagitan ng laging paggunita sa makapangyarihang Allah at ang tungkulin ng tao sa Kanya. Ang pananampalatayang ito ay dapat subukan sa gawa. Ang paniniwala ay hindi sapat. Ang paniniwala sa Diyos (Allah) ang nangangailangan ng pagtanaw sa sangkatauhan bilang isang pamilya sa ilalim ng kapangyarihan ng Allah, ang Lumikha at Tagapanustos ng lahat.

Labis na tinatanggihan ng Islam ang kuro-kuro na may mga natatanging tao. Ang paniniwala sa Allah at paggawa ng mabuti ang tanging landas patungo sa langit. Kaya’t ang tuwirang pakikipag-ugnayan sa Allah ay naisasagawa na hindi na kailangan pa ang tagapamigitan. Ang Islam ay hindi bagong relihiyon. Ito rin ang mensahe at patnubay na ipinahayag ng Allah sa lahat ng mga Propeta. Ang ilan sa kanila at sina Adam, Noah, Abraham, Ismael, Isaac, David, Moses at Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan). Nguni’t ang mensahe na ipinahayag kay Propeta Mohammad ay Islam sa malawak, ganap at pangwakas na anyo.

Ang Kor'an ang huling Pahayag ng Allah at ito ang saligang pinagkukunan nag aral at batas Islamiko. Ang Kor’an ay nagbibigay ng batayan sa lahat ng bagay: pananampalataya, kagandahang-asal, kasaysayan ng sangkatauhan, pagsamba, kaalaman, karunungan, ugnayan ng tao at Diyos, at ugnayang pangkapwa-tao. Sa malawakang pagtuturo nito ay naitatayo ang matatag na paraan sa panlipunang katarungan, karunungang pangkabuhayan, pamahalaan, batasan, hurisprudensiya, at batas sa pakikipag-ugnayang pandaigdigan.

Ang “Hadith” ay mga aral, salita at gawa ng Propeta Mohammad (sumakanya nawa ang kapayapan) na maingat na inipon at iniulat ang kayang mga matapat na kasamahan. Ang “Hadith” ay nagpapaliwanag at nagbibigay detalye sa nga pahina ng banal na Kor’an.



No comments:

Post a Comment