Friday, January 14, 2011

Paano Maging Isang Muslim

Ang lahat ng papuri ay sa Allah lamang, ang Panginoon ng sandaigdigan. Nawa’y igawad ng Allah ang kanyang kapayapaan at pagpapala sa Kanyang huling Propeta na si Muhammad. Ang layunin ng munting babasahing ito ay upang ituwid ang maling haka-haka na lumalaganap sa mga nagnanais yumakap ng Islam bilang kanilang pananampalataya. Ang ibang tao ay nahaharap sa isang suliranin dahil sa maling pag-aakala na ang taong nais yumakap ng Islam ay kailangan pa niyang ihayag ang kanyang pagtanggap ng Islam sa kinauukulan o sa isang iskolar na may mataas na katungkulan o sa isang  Shiekh o di kaya’y ipaalam muna ito sa husgado o sa isang sangay ng pamahalaan. Isang pag-aakala rin na ang pagtanggap ng Islam ay may kondisyong magkaroon ng sertipiko o kasulatang pinagtibay ng mga awtoridad bilang pagpapatunay ng pagpasok sa Islam

Nais naming linawin na ang lahat ng bagay hinggil dito (pagpasok sa islam) ay napakadali at isa man sa mga naturang kondisyon o obligasyon ay hindi kailangan sapagkat taglay ng dakilang Allah ang lahat ng pang-unawa at lubusan Niyang batid ang lihim ng bawa’t puso. Bagkus, ipinapayo sa sinumang nagnanais tumanggap ng Islam, bilang kanyang pananampalataya, na iparehistro ang sarili sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan. Ito ay maaring makatulong sa maraming bagay kasama na rito ang posibilidad ng pagsasagawa ng Umrah at Hajj sa hinaharap. Sinuman ang may tunay na hangaring maging isang Muslim, at may ganap na pananalig at matatag na paniniwala na ang Islam ay siyang tunay na,relihiyong itinakda ng Allah sa lahat ng sangkatauhan magkagayun, siya ay dapat magpahayag lamang ng kanyang “Shahada”  (ang pagpapahayag ng
 pananampalataya) nang walang pagliliban: 

Walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang alipin at huling Sugo”. 

Binibigyang linaw sa Banal na Qur’an ang tungkol dito. Ang Allah (SWT) ay nagsabi:

"Katotohanan, ang relihiyon sa paningin ng Allah ay Islam.” (Al Imran) 

Sa ibang talata ng Banal na Quran, ipinahayag ng Allah

"At sinumang maghangad ng relihiyon maliban sa Islam kailanman hindi ito tatanggapin sa kanya, at sa kabilang buhay siya ay mabibilang sa mga taong talunan.”  (Al-Imran)

Gayon din ang Islam ang tanging relihiyon na mananaig sa lahat ng ibang relihiyon. Ang Allah ay nagpapahayag sa Banal na Quran:

"At aming inihayag sa iyo (O Muhammad) ang Aklat (Banal na Quran) nang may katotohanan,na nagpapatotoo sa mga kasulatang nauna rito, at isang saksi sa mga ito" (Al Maida)

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

"Ang Islam ay nakabatay sa limang haligi: Ang pagsaksi na walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban, kay Allah, at si Muhammad ay kanyang Sugo at alipin ang pag-aalay ng Salah (pagdarasal), ang pagbibigay ng Zakat (itinakdang taunang kawanggawa), ang pagaayuno sa buwan ng Ramadan, at ang pagsasagawa ng Hajj"

Ang Shahada ay binibigkas katulad ng sumusunod:
"ASH-HADU AN LA ILAHA ILLA ALLAH, WA ASH-HADU ANNA MUHAMMADAN ABDUHU WA RASULUH"

Ang kahulugan sa wikang Pilipino ay:

"AKO AY SUMASAKSI NA WALANG TUNAY NA DIYOS NA DAPAT SAMBAHIN MALIBAN SA ALLAH, AT AKO AY SUMASAKSI NA SI MUHAMMAD AY ALIPIN AT SUGO NIYA"

Gayunman, hindi sapat sa sinuman na bigkasin  lamang ang Shahada sa bibig maging sa lihim o hayagan, bagkus dapat niya itong paniwalaan nang buong puso at may matibay na pananalig at matatag na pananampalataya. Kung siya ay tunay at tapat na tumutupad sa mga katuruan ng Islam sa kanyang buhay, matatagpuan niya ang kanyang sarili na katulad ng isang bagong silang na sanggol. Ito ang magdadala sa kanya sa higit pang pagpupunyagi at pagsisikap na paghusayin ang kanyang pag-uugali na siyang maglalapit sa kanya sa ganap na katiwasayan. Ang liwanag ng kanyang pananampalataya ang magpupuno sa kanyang puso hanggang siya ay maging huwaran ng pananampalatayang ito.

Ano ang susunod pagkatapos ng pagpapahayag ng pananampalataya (Shahada) at maging isang Muslim?

Dapat niyang malaman ang tunay na konsepto o diwa  na napapaloob sa pagpapatotoong ito na nangangahulugan ng Kaisahan ng Allah at Pagtanggap na si Propeta Muhammad bilang huli sa mga Propeta at Sugong ipinadala ng Allah, at ang pagtugon sa mga kinakailangan nito. Nararapat siyang kumilos nang tama at isagawa ang mga alituntunin ng Islam maging sa salita at sa gawa

Ano ang ibig sabihin ng mga katagang napapaloob sa Shahada

Ang pinakamahalagang dapat malaman ng bawat Muslim ay ang katotohanang walang Diyos maliban sa Allah (Luwalhati sa kanya). Siya ang Nagiisang Tunay na Diyos, at Siya lamang ang karapat-dapat sambahin sapagka’t Siya ang Nagbibigay ng buhay, ang Tagapanustos, at ang Tagapangalaga ng sangkatauhan at ng lahat ng nilikha mula sa Kanyang walang hanggang biyaya. Tanging Siya ang dapat pag-ukulan ng pagsamba.

Ang ikalawang bahagi ng Shahada:  ASH-HADU ANNA MUHAMMADAN ABDUHU WA RASULUH,  ay nangangahulugan na si Propeta Muhammad ay alipin at Sugo ng Allah. Walang sinuman ang dapat magkaroon ng pag-aalinlangan sa bagay na ito. Sa katunayan, ang mga Muslim ay nararapat na sumunod sa mga kautusan ng Propeta, paniwalaan siya sa lahat ng kanyang mga sinabi sundin ang kanyang mga katuruan, iwasan ang anumang kanyang mga ipinagbawal, at sambahin lamang ang Allah nang ayon sa mensaheng ipinahayag sa kanya

Ano ang kahulugan ng pagsamba

Ito ay nangangahulugan ng tapat na paglilingkod at pagmamahal sa Allah. Sa malalim na kahulugan nito, itinagubilin ang buong pagsuko at ganap na pagsunod sa mga kautusan ng Allah sa salita at sa gawa maging ito ay lantad man o lihim. Ang pagsamba ay may dalawang uri:

(1) Nakikita (hayagan o panlabas)

Ang nakikitang pagsamba ay sumasaklaw sa mga gawa katulad ng pagsasabi ng Shahada, pag-aalay ng Salah pagdarasal), pagbibigay ng Zakat (itinakdang taunang) kawanggawa, pagsasagawa ng Hajj, pagbabasa ng Banal na Quran, panalangin at pagsumamo sa Allah pagbibigay papuri sa kanya, paglilinis ng katawan bago  magdasal, atbp. Ang ganitong uri ng pagsamba ay nangangailangan ng paggalaw o pagkilos ng bahagi ng katawan ng tao. 

(2) Hindi nakikita (lihim o panloob)

Ang hindi nakikitang pagsamba ay ang paniniwala sa Allah, sa araw ng Paghuhukom, sa Kabilang buhay, sa mga Anghael, sa mga Aklat ng Allah, At sa banal na itinakdang Kahihinatnan (mabuti man o masama). Ang ganitong uri ng pagsamba ay hindi nangangailangan ng pagkilos ng mga bahagi ng katawan ng tao, subalit ito ay may tunay na kaugnayan sa puso ng bawa’t isa na sa dakong huli’y makakabuti sa pamamaraan ng kanyang pamumuhay (paniniwala). Dapat nating isaisip na ang anumang pagsamba na hindi inaalay sa Allah ay hindi tatanggapin, sa dahilang ito ay isang uri ng shirk (pagtatambal) ayon sa pananaw ng Islam.

Ang susunod na hakbang ng isang bagong Muslim matapos magpahayag ng  Shahada) ay padalisayin) ang sarili sa pamamagitan ng pagligo. Kasunod nito ay ang pagpapasiya sa sarili na sumunod sa lahat ng panuntunan at alituntunin ng Islam sa kabuuan nito. Dapat niyang talikuran ang lahat ng uri ng politeismo (pagsamba sa mga Diyos-diyusan) at huwad na paniniwala. Kinakailangan itakwil ang kasamaan at marapat na maging matuwid. Ang ganitong pagtatakwil ng kasamaan at pagiging matuwid ay isa sa mga kinakailangan sa kasabihan sa Islam na La Ilaha Illa Allah.

Ang sabi ng Allah sa banal na Quran:

"Sinumang magtakwil sa mga diyos-diyusan at maniwala lamang sa Allah ay humawak sa mapagkakatiwalaang hawakan na hindi mapapatid kailanman…” (Al-Baqarah)

Dapat nating isaalang-alang na ang taos-pusong pagpapahayag ng “Walang diyos na karapatdapat sambahin maliban sa Allah”, ay nangangahulugan ng pagmamahal, katapatan, pananalig, at pag-sunod sa mga alituntunin ng Islam na sumasaklaw sa lahat ng Muslim. Isang kinakailangan sa  Shahada ay ang magmahal nang dahil sa Allah. Ito ang pinakamatatag na haligi ng pananampalataya na nagpapatupad sa kahulugan ng “Al-Wala at Al-Bara”. Ito ay nangangahulugan na ang Muslim ay dapat niyang mahalin nang may katapatan ang Kapuwa Muslim. Nararapat sa kanya bilang pagganap sa Islam na ilayo nang lubusan ang sarili sa mga kaugalian ng mga di-nanampalataya at tumangging mahikayat ng mga ito, (sa anumang gawain at paniniwalang salungat sa Islam) maging ito ay hinggil sa pang-materyal o pang-ispirituwal na bagay.

Bilang pagtatapos, idinadalangin namin sa Allah na nawa’y linisin Niya ang puso at kaluluwa ng mga taong tunay na naghahanap ng katotohanan, at nawa’y pagpalain Niya ang pamayanan ng mga sumasampalataya sa Kanya. Ameen


source: ISCAG-Philippines

No comments:

Post a Comment