Friday, January 14, 2011

Ang Mensahe ng Islam


Ang unang dapat malaman at lubos na maunawaan ng sinuman tungkol sa Islam ay kung ano mismo ang kahulugan ng katagang "Islam". Ang relihiyong Islam ay hindi ipinangalan sa  batay sa pangalan ng tao na kagaya ng Kristiyanismo na hinango sa pangalan ni Hesus Kristo (a.s.); Budismo sa pangalan ni Buddha; Konpusianismo sa pangalan ni Confucius at Marsismo sa pangalan ni Karl Marx. Ni hindi ito hinango sa pangalan ng tribo na kagaya ng Judaismo na hinango sa tribo ng Judea; at Hinduismo sa tribo ng Hindus.

Ang Islam ay tunay na relihiyon ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) at kaya naman ang pangalan nito ay kumakatawan sa pangunahing panuntunan ng relihiyon ng Diyos (Allah Subhanahu wa ta'ala)… ang ganap na pagsuko sa kalooban ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala). Ang katagang Arabik na "Islam" ay nangangahulugan ng pagsuko o pagpapasakop ng kalooban ng sinuman sa tanging Tunay na Diyos na karapat-dapat na sambahin – ang Allāh SWT. At ang sinumang tumutupad nito ay tinatawag na "Muslim". Ang salitang Islam ay nangangahulugan din ng kapayapaan na siyang likas na kahihinatnan ng ganap na pagsuko at pagsunod sa kalooban ng Allāh SWT. Kaya naman, ito ay hindi na bagong relihiyon na dinala ni Propeta Muhammad (Sallallaho 'Alaihi Wasallam) sa Arabia noong ika-pitong daang taon, bagkus ito ay tunay na relihiyon ng Allāh SWT  na ipinakilala sa kanyang kabuuang anyo.

Ang Islam ay ang relihiyon na ibinigay kay Adam AS, ang unang tao at ang unang Propeta ng Allāh SWT. Ito ay siya ding relihiyon na ibinigay sa lahat ng mga Propeta na isinugo ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) sa sangkatauhan. Ang pangalan ng relihiyon ng Diyos, ang Islam, ay hindi kathang-isip ng mga huling salinlahi ng tao. Ito ay pinili mismo ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) at maliwanag na nababanggit sa Kanyang huling Kapahayagan – Ang Qur'ān, ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay nagsasabi ng mga sumusunod:
                
"Sa araw na ito ay Aking binigyan ng lubos na katuparan ang inyong relihiyon para sa inyo, Aking ginawang ganap ang tulong sa inyo, at pinili ang Islam bilang inyong relihiyon"
(Sūrah Āl-Mā'idah 5:3)
 
"Sinuman ang magnais ng ibang relihiyon maliban sa Islam (pagsuko sa Allāh), kailanman hindi ito tatangggapin sa kanya". (Sūrah Āl'Imrān 3:85)

"Si Abraham ay hindi Hudyo o Kristiyano, bagkus isang matuwid na Muslim".  (Sūrah Āl'Imrān 3:67)

Hindi makikita sa alin mang pahina ng Bibliya na sinasabi ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) na Judaismo ang relihiyon ng angkan ni Moses AS o maging ang kanilang mga lahi. Ni hindi rin sinasabi sa Bibliya na Kristiyanismo ang relihiyon ng mga tagasunod ni Kristo. Sa katunayan hindi niya pangalan ang Kristo, ni hindi ito Hesus. Ang pangalang Kristo ay hango sa salitang Griyego na "Cristos" na ang ibig sabihin ay pinahiran ("Annointed"). Kaya ang Kristo ay salin sa Griyego batay sa Hebreo na "Messiah". Ang pangalang "Hesus" sa kabilang dako ay isang salitang Latin ng pangalang Hebreo na Esau. Upang madaling magkaunawaan, ipagpapatuloy ang paggamit ng pangalang Hesus AS (bilang pangalan ni Esau). Tungkol naman sa kanyang relihiyon, ito ay siyang panawagan niya sa kanyang mga tagasunod. Gaya ng mga Propetang nauna sa kanya, inaanyayahan niya ang tao na isuko ang kanilang sarili sa kalooban ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) (ibig sabihin nito ay Islam), at siya ay nagbigay ng babala sa kanila na lumayo sa mga huwad na mga diyos na likhang-isip ng tao. yon sa Bagong Tipan, tinuruan ni Hesus  AS ang kanyang mga tagasunod na magdasal ng ganito: "Sundin ang kalooban Mo dito sa lupa gaya ng sa langit".

Sapagka't ang ganap na pagsuko ng sinuman ng kanyang kalooban sa Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay naglalarawan ng pinakabuod na diwa ng pagsamba. Ang pangunahing mensahe ng Islam ay ang pagsamba sa Allāh (Subhanahu wa ta'ala) lamang at ang pag-iwas sa pagsamba na iniuukol sa tao, pook o bagay. Sapagka't ang lahat ng bagay maliban sa Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay Kanyang mga nilikha, masasabi natin na ang Islam, sa diwa nito, ay naghihikayat sa tao na lumayo sa pagsamba ng anumang nilikha at inaanyayahan itong sumamba lamang sa kanyang Lumikha.

Siya lamang ang karapat-dapat sa pagsamba ng tao at Siya lamang ang may kaloobang magbigay pahintulot sa katuparan ng lahat ng panalangin. Kung ang tao ay sumasamba sa punongkahoy at ang kanyang mga panalangin ay natupad, hindi ang punongkahoy ang nagbigay ng katuparan sa kanyang mga panalangin bagkus ang Diyos ang Siyang nagbigay pahintulot upang maganap ang mga bagay na ito. Maaaring sabihin ninuman na "Ito ay maliwanag at siyang tunay", subali't sa mga sumasamba sa punungkahoy ay maaaring hindi ganito ang paniniwala.

Katulad din ng mga panalangin na iniuukol kay Hesus AS , Buddha, Krishna, St. Jude, St. Christopher o maging kay Propeta Muhammad r, hindi nila sinasagot ang mga ito, bagkus ang mga ito ay pinangyayari ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala).

Hindi sinabi ni Hesus AS sa kanyang mga tagasunod na sambahin siya bagkus inutusan silang sumamba lamang sa Allāh (Subhanahu wa ta'ala). Ang Banal na Qur'ān ay nagsasaad:

"At masdan! Ang Allāh ay magsasabi: O Hesus anak ni Maria! Sinabi mo ba sa tao, 'Sambahin ako, at ang aking Ina bilang mga diyos bukod sa Allāh' Siya ay magsasabi: 'Purihin Kayo! Kailanman ay hindi ko masasabi ang bagay ng wala akong karapatan (na magsabi)". (Sūrah Āl-Mā'idah 5:116)

Hindi sinasamba ni Hesus AS ang kanyang sarili nang siya ay nag-alay ng pagsamba, bagkus sinasamba niya ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala). Ang pangunahing panuntunang ito ay napapaloob sa pambungad na kabanata ng Banal na Qur'ān, ang  Sūrah Al-Fātihah (1:5):

"Ikaw lamang ang sinasamba namin at sa Iyo lamang kami hihingi ng tulong".

Sa ibang dako ng Panghuling Kapahayagan – ang Banal na Qur'ān, ang Allāh ay nagsabi:

"At ang inyong Panginoon ay nagsasabi: "Dumalangin kayo sa  sa Akin at kayo'y Aking didinggin"
(Sūrah Ghāfir 40:60)

Mahalagang bigyan ng pansin ang pangunahing mensahe ng Islam na ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala) at ang Kanyang mga nilikha ay maliwanag na magkaiba sa isa't-isa. Ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay hindi maaaring maging Kanyang nilikha o kaya'y maging bahagi nito, ni ang Kanyang mga nilikha ay maging Diyos o maging bahagi Niya.

Ito ay sadyang napakalinaw, nguni't ang pagsamba ng tao sa nilikha sa halip na ang Lumikha ay kadalasa’y batay sa kamangmangan ng naturang konsepto. Ang paniniwala na ang diwa ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay naroroon saan mang dako, o kaya’y ang Kanyang pagka-Diyos ay naroroon o nananatili saanman sa kanyang mga nilikha ay nagbibigay dahilan sa pagsamba sa Allāh (Subhanahu wa ta'ala) sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha. Datapuwa’t ang mensahe ng Islam na dinala ng mga Propeta ng Allāh SAW  ay ang pagsamba sa Allāh (Subhanahu wa ta'ala) lamang at ang pag-iwas sa pagsamba sa Kanyang mga nilalang maging tuwiran man ito o hindi.

Sa Banal na Qur’ān, ang Allāh ay maliwanag na nagsasabi:

Tunay, Kami ay nagpadala ng Sugo sa bawa’t Tao (na nag-uutos), sambahin ang Allāh at umiwas sa huwad na diyus-diyusan”. (Sūrah Ān-Nahl 16:36)

Kapag tinatanong ang mga mananampalataya tungkol sa mga diyus-diyosan kung bakit sila yumuyuko sa mga idolo na gawa ng tao, ang kadalasang sagot ay hindi sila tunay na sumasamba sa batong imahen bagkus sa Diyos na kumakatawan sa mga ito. Sinasabi nila na ang mga batong imahen na ito ay tampulan lamang ng diwa ng Diyos  at hindi ito nangangahulugan na sila ay Diyos!

Sinuman ang tumanggap sa paniniwala na ang pagka-Diyos ng Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay napapaloob sa anumang Kanyang nilikha ay napipilitang tanggapin ang pangangatuwiran ng pagsamba sa diyus-diyosan. Datapuwa’t ang sinuman na nakakaunawa sa mahalagang mensahe ng Islam at kahulugan nito ay hindi kailanman tatanggapin ang pagsamba sa diyus-diyosan kahit gaano pa ito ipangatuwiran.

Ang pag-aangkin ng iba sa pagka-diyos sa kanilang sarili simula pa ng mga unang panahon ay kadalasa’y nakasalalay sa maling paniniwala na ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay nananahan sa tao. Kailangan nilang igiit, ayon sa kanilang mga maling haka-haka, na kahit ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala)  ay nananahan sa ating lahat, ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala) ay higit na nananahan sa kanila. Kaya naman, gaya ng kanilang pag-aangkin, dapat daw nating isuko ang ating kalooban sa kanila at sambahin sila dahil sila ay diyos sa pagkatao o diyos na nakapisan sa  loob ng tao.

Gayon din, ang pagpapakilala nila sa pagka-diyos ng mga iba pagkatapos ng pagkamatay ng mga ito ay nakatatagpo ng mayamang pastulan sa mga tumatanggap sa maling paniniwala na ang Allāh (Subhanahu wa ta'ala)  ay nananahan sa tao. Ang sinumang nakaka-unawa sa mahalagang mensahe ng Islam at sa kahulugan nito ay hindi kailanman sasang-ayon na sumamba sa tao sa anumang kalagayan. Ang diwa ng relihiyon ng Diyos ay maliwanag ng pagtawag sa pagsamba sa Lumikha at ang pagtakwil sa pagsamba ng anumang uri ng nilalang. Ito ang kahulugan ng salawikain sa Islam:

“Lā Ilāha Illā Allāh”
(Walang ibang diyos maliban sa Allāh)

Ang paulit-ulit na pagbigkas nito ay kusang naghahatid sa sinuman sa ilalim ng relihiyong Islam at ang matapat na paniniwala rito ay may katiyakan sa Paraiso. Kaya naman ang pinakahuling Propeta ng Islam ay iniulat na nagsabi: “Ang sinuman na nagsabi: Walang ibang diyos maliban sa Allāh at namatay na pinanghahawakan ang paniniwalang yaon ay makakapasok sa Paraiso” (iniulat ni Abu Darr at inipon ni Imam Al Bukhari at Imam Muslim).
               
Ito ay kinapapalooban ng pagsuko sa Allāh (Ang nag-Iisang Diyos) bilang Kanyang alipin, na tumatalima sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos, at ang pagtakwil sa pagsamba sa mga diyus-diyusan.


"Ang Mensahe ng Islam" by Sheikh Omar Penalber 

No comments:

Post a Comment